‘Luffy’ gang member nasakote sa Makati– BI

Ni NERIO AGUAS

Nakatakdang ipatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na miyembro ng sindikatong “Luffy gang” matapos madakip sa Makati City.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, inihahanda na ang pagpapa-deport kay Nagaura Hiroki, 26-anyos, pabalik ng Tokyo, Japan para harapin ng kaso nito na may kaugnayan sa theft at robbery.

Si Hiroki ay naaresto noong nakalipas na Mayo 26 sa kahabaan ng Estrella Avenue, Bgy. Poblacion, Makati ng mga tauhan ng BI- fugitive search unit.

Sinabi ni Tansingco na ang pag-aresto kay Hiroki ay hiniling ng mga awtoridad ng Japan sa Maynila hinggil sa presensya ng pugante sa Pilipinas.

Idinagdag pa ng BI chief na malapit nang ipatapon si Hiroki sa Tokyo dahil una nang iniutos ng BI noong 2022 na sumailalim sa summary deportation ng board of commissioners ng bureau.

“He was already placed in our immigration blacklist of undesirable aliens, thus he is perpetually barred from reentering the Philippines,” sabi ni Tansingco.

Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, si Hiroki ay nagtago sa Pilipinas mula noong Nobyembre 20, 2019 nang ito ay huling dumating sa bansa bilang isang turista.

Gayunpaman, noong 2022 lamang nang ipaalam sa BI ang kanyang kaso sa Japan.

Nang matanggap ang impormasyon, agad na nagsagawa ng manhunt ang BI laban kay Hiroki, gayundin ang iba pang kasama nito sa ‘Luffy’ scheme.

Iniulat na si Hiroki ay may standing warrant of arrest na inilabas ng Tokyo Summary Court dahil sa kasong theft na paglabag sa Japanese penal code.

Inakusahan ng Tokyo police na nakipagsabwatan ito sa isa pang suspek sa pagnanakaw sa isang bahay sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang isang pulis na nagbigay-daan sa kanila na makapasok sa residential premise sa sinasabing pag-iimbestiga sa isang ninakaw na ATM card.

“Further, he is being investigated by the Japanese authorities for his involvement in alleged telecommunications fraud activities,” sabi ni Sy.

Si Hiroki ay kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito pabalik ng kanyang bansa.

Leave a comment