
Ni NOEL ABUEL
Kinalampag ng isang kongresista ang pamahalaan na ipamahagi na ang fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda sa gitna ng patuloy na pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.
Giit ni Magsasaka party list Rep. Argel Cabatbat, kailangang ibigay na sa lalong madaling panahon ang nasabing ayuda dahil sa marami nang maliliit na magsasaka at mangingisda ang hindi na nakakapagtrabaho dahil sa sobrang mahal na produktong petrolyo.
Aniya, walong sunud-sunod na linggo nang tumataas ang halaga ng langis kung saan sa pagpasok ng 2022, pumalo na sa P7.95 ang itinaas sa presyo ng gasolina, P10.2 sa presyo ng diesel at P9.10 naman sa kerosene.
Dahil dito, nangangamba si Cabatbat na apektado ang gastos sa produksyon sa agrikultura, na maaari namang maipatong sa presyo ng lokal na ani.
“Hindi na kakayanin ng mga maliliit nating magsasaka ang epekto ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis, lalo pa’t patuloy din sa pagtaas ang presyo ng abono at pataba samantalang napakababa ng farmgate price ng mga produkto, partikular ng palay,” ani Cabatbat.
Sa taya ng Department of Agriculture, nasa 14% o P1.73 ang kabuuang gastos sa produksyon kada kilo ng bigas bago pa man ang oil price hike noong nakaraang taon na napupunta sa pakain sa alagang hayop, makina, at langis.
“Sa ngayon, tiyak na higit pa sa P1.73 iyan. Habang tumataas ang presyo ng krudo, iniinda ‘yan ng mga magsasaka. Baon na sa utang ang mga manggagawa ng agrikultura. Hindi makabawi maski sa puhunan,” sabi pa nito.
Kamakailan ay inanunsyo ng pamahalaan ang paglalaan ng P500 milyong fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda ito ay kung papalo sa US$80 per barrel o higit pa ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado sa loob ng tatlong buwan.

Honorable Congressman Argel Cabatbat
Napakabuti po ng inyong hangarin para po sa mga pangangaylangan ng mga.magsasaka at mangngisda at san po masulusyunan na ang tumataas ng presyo ng langis sa lalong madaling panahon.
Salamat po sa inyo.
Ang tugunan ang
LikeLike