
Ni NOEL ABUEL
Pinapurihan ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) at maging ang mga fire volunteers sa patuloy na pagtupad sa tungkulin nito kahit malagay sa alanganin ang buhay.
Ayon kay Go, ngayong idineklarang Fire Prevention Month ang buwan ng Marso ay hindi dapat na maliitin ang trabaho ng mga pamatay-sunog sa buong bansa.
“Let this month also be the time to honor our courageous firefighters who continue to put their lives at risk to keep our communities safe. I express my deepest gratitude for your commitment to protect your fellow Filipinos especially at this time of crisis,” pahayag ni Go.
“Sa ating mga bumbero at sa mga namumuno ng BFP, ipagpatuloy ninyo lang po ang paglilingkod dahil mas lalong kailangan po tayo ng ating mga kababayan,” dagdag nito.

Bilang pasasalamat, ipinangko ni Go na patuloy nitong susuportahan ang BFP upang mapabuti ang kakayahan nito upang maging mas mahusay na tumugon sa mga insidente ng sunog at maprotektahan ang mas maraming Filipino.
Inihalimbawa pa ng senador ang inihain nitong panukalang batas na tuluyang naging batas na Republic Act No. 11589 o ang BFP Modernization Act. Nakapaloob sa naturang batas na nagtatakda ng 10-taong modersisasyon ng BFP para maging world class sa pamamagitan ng pagbili at pag-upgrade ng mga kagamitan, pag-recruit ng mas maraming tauhan ng bumbero at pagbibigay ng espesyal na pagsasanay.
