Bawas sa singil sa tubig dapat may kaakibat namas mahusay na serbisyo — Sen. Poe

NI NOEL ABUEL

Bagama’t katanggap-tanggap ang pagtanggal sa 12 porsyentong value-added tax (VAT) sa bayaran ng tubig ng mga konsyumer, iginiit ni Senador Grace Poe na kailangang tiyakin ng dalawang pangunahing water concessionaire ang tuluy-tuloy at kalidad na serbisyo ng tubig.

“Hindi dapat mauwi sa pagbaba ng kalidad ng serbisyo ang pagbaba ng bill sa tubig. Ang maaasahang suplay ng tubig ay hindi luho kundi karapatan ng lahat,” sabi ni Poe.

Ayon kay Poe, chairperson ng Senate public services committee na umaasa itong ang nasabing kabawasan sa bill ng mga konsyumer ay hindi na maaantala.

“Ang halagang matitipid rito ay mapupunta sa kanilang pagkain, pangangailangan sa bahay at pagbabayad ng lumobong utang,” saad ni Poe.

Sinabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office na ang pagtanggal sa 12 porsyentong VAT sa tubig at waste water service  ay minamandato ng Republic Acts No. 11600 at 11601 na nagbigay ng prangkisa sa Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Co. Inc. para magtatag, mamahala at magpanatili ng waterworks system, imburnal at sanitasyon sa kanilang mga sineserbisyuhang lugar.   

Si Poe ang nanguna sa pagpasa ng naturang batas sa Senado nitong nakaraang taon para matiyak ang walang patid na serbisyo ng tubig sa mga konsyumer.

Ayon pa sa ahensiya, maaasahan ang pagtanggal sa VAT sa bill ng tubig umpisa Marso 21, 2022.

Nanawagan si Poe sa MWSS na patuloy na tiyaking susunod ang mga distributor ng tubig sa concession agreement para sa tuluy-tuloy na serbisyo lalo na sa panahon ng tag-init.

Sinabi pa ng senador na kailangang maghanda rin ang pamahalaan sa posibleng kakapusan ng tubig sa gitna ng bumababang lebel nito sa mga dam.

Leave a comment