OCTA sa pagdami ng kaso ng COVID-19 case: Walang dapat na ikaalarma

NI RHENZ SALONGA

Wala pang nakikitang senyales ang OCTA research group na dapat nang mag-alala dahil sa unti-unting pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay OCTA research fellow Dr. Guido David hindi pa ito naalalarma sa pagtaas ng kaso bagama’t patuloy umano anilang binabantayan ang mga numero na may kaugnayan sa COVID-19.

Ginawa ng naturang grupo ang pahayag matapos maitala ang 690 na kaso kahapon na siyang pinakamataas sa loob ng isang buwan.

Sa ngayon sinabi ni David na hindi pa nila maipaliwanag ang pagtaas ng bilang ng kaso pero duda silang dahil lamang ito sa backlog.

Bago maitala ang 690 na bagong kaso, sinabi ni David na nasa 400 na lamang ang average COVID-19 daily cases sa loob ng ilang linggo kung saan umabot na sa 3,679,629 ang bilang ng kaso sa buong bansa.

Sa pinakahuling datos naman ng Department of Health (DOH), bumaba naman ang active case count sa bansa na nasa 35,967 lamang.

Ang National Capital Region (NCR) ang nananatiling may pinakamaraming COVID cases na nasa 1,573 infections na sinundan ng Region 4-A 588, at Region 6 na may 442.

Isa sa itinuturong dahilan ng pagdami ng COVID-19 cases ay dahil sa eleksyon kung saan dagsa ang mga tao sa mga political sorties ng mga kumakandidato sa darating na May 2022 national elections.

Leave a comment