Pagbabalik sa face-to-face classes at learning recovery program muling iginiit ni Gatchalian

Senador Win Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pagbabalik ng face-to-face classes at learning program  dahil sa malaking porsyento ng mga batang sampung taong gulang ang hindi nakakabasa o nakakaunawa ng maikling kwento.

Ayon sa senador, upang tugunan ang pinsalang dulot ng pandemya sa sektor ng edukasyon, ang pangangailangan para sa pagbubukas ng lahat ng paaralan para sa limited face-to-face classes, pati na rin ang pagpapatupad ng programa para sa learning recovery ang dapat na mangyari.

Sa ulat ng UNICEF, World Bank, at United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na pinamagatang “Where are We on Education Recovery?” lumalabas na wala pang 15% porsiyento ng mga mag-aaral na may edad na sampu ang marunong bumasa o umunawa ng maikling kwento.

Dahil dito, lumalabas na higit sa 85 porsyento ang learning poverty sa bansa, mas mababa sa 90 porsyentong naitala noong nakaraang taon. Noong 2019, nasa 69.5 porsyento ang learning poverty sa bansa.

Binigyang diin pa ng naturang ulat na ang Pilipinas ang nagkaroon ng pinakamahabang panahon ng pagsasara ng mga paaralan kung saan umabot na sa halos 70 linggong sarado ang mga paaralan.

Para kay Gatchalian, unang hakbang ang pagbubukas ng lahat ng mga paaralan para sa limited face-to-face classes upang matugunan ang pinsalang dulot ng pandemya.

Upang matugunan naman ang learning loss o pag-urong ng kaalaman, isinusulong ni Gatchalian ang pagkakaroon ng programa para sa learning recovery.

Leave a comment