
Ni NERIO AGUAS
Nagpaalala ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa lahat ng pribadong establisimiyento na magsumite ng kanilang Annual Establishment Report on Wages (AERW) sa pamamagitan ng online portal annualwagereport.nwpc.dole.gov.ph.
Sa ilalim ng Article 124 ng Labor Code, na inamiyendahan sa Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act, inaatasan ang mga establisimiyento na magsumite ng taunang ulat ukol sa “verified itemized listing ng kanilang labor component, na nagsasaad ng mga pangalan ng kanilang mga manggagawa at empleyado na mababa sa antas ng namamahala, kabilang ang mga mag-aaral, apprentice at mga manggagawang may kapansanan na tinanggap sa ilalim ng mga tuntuning itinakda sa kanilang employment contract, at ang kanilang kaukulang mga suweldo at sahod.
At para sa taong 2021, dapat isumite online ang ulat na naglalaman ng mga nabanggit na detalye mula noong Disyembre 31, 2021 sa petsa mula Abril 11, 2022 hanggang Hunyo 30, 2022.
Ang mga susunod na isusumite ay hindi dapat lalampas sa Enero 31 ng susunod na taon.
Ayon sa DOLE, ang sentralisadong pagsusumite online ng AERW ay isang mahalagang bahagi ng digitization ng NWPC upang matiyak ang mahusay na koleksyon ng administrative-based data on wages. Kapalit ito ng papel o pisikal na pagsusumite ng establishment report sa 16 Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.
