
NI NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ng isang kongresista ang diumano illegal profiteering ng ilang taga-loob ng Landbank of the Philippines (LBP) na nagsisilbing tagapamagitan o “ahente” sa mga aplikasyon para sa pautang.
Sa inihaing House Resolution no. 2543 ni House Asst. Majority Leader at ACT CIS party list Rep. Rowena Niña Taduran, kailangang tukuyin ang mga nasa likod ng illegal profiteering sa loob ng LBP na nagsisilbing “go-betweens” o “agents” s amga loan applications.
Ayon sa mambabatas, ang mga ahenteng ito ay nangangakong mapapabilis ang pag-apruba sa kanilang utang kapalit ng sampung porsiyentong subi o “cut” ng ahente sa inutang.
Sinabi pa ni Taduran na dapat na agarang imbestigahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pangyayaring ito lalo na at napakalaki ng mga pautang na may kinalaman dito, nagagamit ang isang pinansyal na institusyon ng pamahalaan, at ang epekto nito sa publiko na posibleng hindi na pagkatiwalaan ang sistema ng bangko.
Isa sa mga nabiktima nito, ayon kay Taduran, ay ang presidente ng American Boulevard na si Alberto Ching na nag-apply sa Landbank para makautang ng ₱50 milyon kung saan bigo itong makautang dahil sa sampung porsiyentong “cut” ng ilang mga tauhan ng LBP.
“The borrower was given all sorts of excuses and was coaxed by the ‘agents’ to apply for another P50 million loan. Still, the release of the loan proceeds was delayed and incomplete,” ayon kay Taduran.
Dahil sa hindi nakautang si Ching ay hindi ito nakabayad sa iba pa nitong pinagkakautangan at naging dahilan ng pagkakasara ng kanyang negosyo at kawalan ng ikabubuhay ng kanyang mga empleyado.
Sa panig naman ng LBP, sinabi nitong nagsasagawa na ito ng imbestigasyon at tinanggal na ang mga empleyadong may kinalaman sa pangyayari bukod sa sinampahan sila ng kaso.
Sinabi pa ng mambabatas na hindi lamang si Ching ang nabiktima ng mga ahente kung hindi nasa 30 iba pa na ang ilan ay umuutang ng humigit-kumulang sa ₱100 milyon.
“Considering the huge amounts of the loans, it is highly improbable that low-ranked LBP employees acted without the cooperation/approval of the ‘higher-ups’,” ani Taduran.
“Congress is duty-bound to protect the borrowing public as well as the entire banking system from nefarious practices of unscrupulous bank personnel,” dagdag pa ng kongresista.
