
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Grace Poe sa naging desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na isuspende ang pamimigay ng ayuda sa mga public utility vehicle (PUV) driver at operator sa gitna ng mataas na presyo ng langis at bilihin.
Ayon sa senador, simula nang mailabas ang P3 bilyong pondo ay hindi pa umabot sa kalahati ng tinukoy na 377,000 benepisyaryo ang nakatanggap na ng ayuda mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Nananawagan tayo sa Commission on Elections na bilisan ang desisyon nito sa apela ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa eksempsiyon upang maipagpatuloy na ang pamamahagi ng tulong. Matagal nang hinihintay ng ating mga PUV driver at operator ang ayuda na ating pinondohan sa taunang budget,” sabi ng senador.
Giit pa ng senador, marami pa ring drivers ang kumakalam ang sikmura dahil sa kakarampot ang kita dahil sa mataas na presyo ng produktong petrolyo.
“Hindi natin maaaring sabihan na lamang ang ating mga kababayang hintayin nilang matapos ang eleksyon. Ang kumakalam na sikmura ay hindi nakapaghihintay,” sabi ng senador.
Idinahilan ng LTFRB ang election public spending ban alinsunod sa Comelec’s Resolution No. 10747.
Ayon kay LTFRB executive director Maria Kristina Cassion umabot sa 110,200 ng mga PUV beneficiaries ang nabigyan na ng subsidiya.
Nilinaw naman ng LTFRB official na umapela na sila sa Comelec para maipagpatuloy ang programa at habang hinihintay ang desisyon patuloy naman umano ang produksiyon ng 86,000 Pantawid Pasada Program (PPP) cards para sa iba pang beneficiaries.
