
Ni NOEL ABUEL
Muling nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go na panahon nang maipasa ang Department of Disaster Resilience (DDR) at Mandatory Evacuation Center Act para magamit sa pagharap sa mga natural na kalamidad na tumatama sa bansa taun-taon.
Binigyan-diin ni Go ang pangangailangan para sa gobyerno na magsagawa ng mas proactive na diskarte sa pagharap sa mga natural na kalamidad kung kaya’t umaasa itong sa susunod na Kongreso ay maikokonsidera nang maipasa ang nasabing mga panukala.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos magtungo ito kasama si Pangulong Rodrigo Duterte at mag-inspeksyon sa evacuation center sa Mataasnakahoy, Batangas noong Lunes, Abril 4.
“When disaster strikes, the Filipinos, especially ‘yung mga underprivileged, suffer. In most instances, this disaster renders their homes unlivable, leaving the victims without roofs. Ibig sabihin nasisira ang mga bahay, marami pong apektado,” ayon kay Go.
Ang evacuation center sa Mataasnakahoy ay isa sa tatlong evacuation centers na estratehikong matatagpuan sa tatlong munisipalidad sa loob ng lalawigan ng Batangas sa labas ng danger zone ng pagputok ng Taal Volcano.
Ang dalawa pa ay matatagpuan sa mga bayan ng Sta. Teresita at Alitagtag at ang lahat ng mga sentro ay itinurn-over sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan ng Department of Human Settlements and Urban Development noong Marso 30.
“Kailangang magpatayo tayo ng mga safe, permanent and dedicated evacuation centers na merong sapat na mga emergency packs, katulad ng blankets, tubig, gamot, flashlight at ready na relief goods,” ani Go.
“Obligasyon ng gobyerno na palaging maging handa na tumulong sa oras ng sakuna,” dagdag pa nito.
Dumalo rin sa inspeksyon sina Mataasnakahoy Mayor Janet Ilagan at DHSUD Secretary Eduardo del Rosario, gayundin ang iba pang opisyal at kawani ng DHSUD at ang munisipal na pamahalaan ng Mataasnakahoy.
Ang mga evacuation center ay itinayo ayon sa mga detalye at mga kinakailangan na inaprubahan ng Pangulo. Kasama sa mga pasilidad ang administrative office, clinic, kusina at mess hall, magkahiwalay na babae at male comfort room, prayer room, conjugal room, children’s section, at storage room, bukod sa iba pa.
Itinatag ang mga ito bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang kahandaan ng bansa sa mga natural na kalamidad at iba pang kalamidad.
Binigyan-diin pa ni Go na kagyat na pangangailangang kumilos sa disaster resilience measures gaya ng kanyang Senate Bill No. 1228 o ang “Mandatory Evacuation Center Act”, na kanyang inihain noong 2019 at kasalukuyang nasa Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation gayundin ang SBN 205 na layong magtayo ng Department of Disaster Resilience.
