
Ni NOEL ABUEL
Mismong si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nagpakilala bilang susunod na pangalawang pangulo ng bansa si Lakas-Christian Muslim Democrats at Davao City Mayor Sara Duterte nang dumalaw ang huli sa kaarawan ng una sa Pampanga.
Sa ika-75 taong kaawaran ni Arroyo, masayang binati ito ni Duterte kung saan sinuklian naman ito ng dating Pangulo sa pagpapakilala bilang susunod na vice president ng Pilipinas.
“Ako’y nasisiyahan na ang ating panauhing pangdangal ay walang iba kundi si Inday Sara Duterte — ang susunod nating bise-presidente sa Republika ng Pilipinas,” sabi ni Macapagal-Arroyo sa harap ng libu-libong supporters ng UniTeam na dumalo sa campaign rally sa nasabing lalawigan.
Pinangunahan din ni Duterte kasama si Rep. Mikee Arroyo na umawit ng “happy birthday song” sa dating Pangulo at ngayo’y muling babalik sa Kongreso bilang kongresista.
“Gini-greet ko po siya ng a very happy birthday. I wish her good health, her happiness and we wish her heart’s desire for the next two, three, four, 50 years more,” sabi ni Duterte.
Sa kanyang mensahe sa mga Pampagueños, sinabi ni Duterte na dapat nang magkaisa ang lahat ng Filipino upang maging maayos ang bansa nang walang tinutukoy na political color.
“Kung kami po ang pipiliin ninyo bilang political leaders ngayong May 9 elections ay dadalhin namin ang buong sambayanan na walang pong kulay ng politika — hindi po red, hindi green, hindi yellow, hindi pink, hindi orange — isa lang po tayo lahat. Isang Pilipino, isang bayan na nagkakaisa,” sabi ni Duterte.
“‘Yan po ang mensahe ng UniTeam na sama-sama tayong babangon muli,” dagdag nito.
Samantala, bumati rin sa pamamagitan ng phone call ang dati ring naging pangulo na si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada, na nagbigay ng birthday message kay Macapagal-Arroyo.
“Happy, happy birthday, Madam President. More power to you and sana po tumakbo kayo ulit at ako ang mag pi-presentang campaign manager niyo,” sabi pa ni Estrada.
Kasama rin na dumalo sa campaign rally sina Pampanga Governor Dennis “Delta” Garcia Pineda, Vice Governor Lilia “Nany Baby” Pineda, at Lubao Mayor Esmeralda “Esmie” Pineda gayundin ang ilang senatorial candidates ng UniTeam.
Kasama rin sa ipinanawagan ni Arroyo na suportahan si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kandidatura nito bilang presidential candidate.
“Kailangan ni BBM, kahit matalino siya, para maging president, kailangan niya si Mayor Inday Sara Duterte bilang bise president. ‘Yun ang isang dahilan bakit ineendorso natin si Mayor Sara,” sabi pa ni Arroyo, na dating House Speaker.
