
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa taumbayan na ipagpatuloy ang panawagan sa mga presidential candidates na dumalo sa mga debate na mahalaga para masuri ng publiko at makatulong na makapagdesisyon kung sino ang iboboto sa darating na May 2022 elections.
“Ako ang advice ko lang sa tao, demand full transparency and demand tuluy-tuloy na mga debate,” sabi ni Cayetano sa panayam ng mga mamamahayag sa Taguig City matapos ihain ang House Bill Number 10832 o ang “Mandatory Savings Act of 2022”.
Aniya, mahalagang matutunan ng taumbayan ang paninindigan ng mga kandidato sa mga isyu at problemang kinakaharap ng bansa bago ang nasabing eleksyon upang hindi mabigla kapag naupo na sa puwesto ang mga nanalo sa halalan.
“In the end it will be the demand of the people that will make the candidates attend the debates. That’s why ang proposal ko paulit-ulit, tanggalin ang mga balakid,” sabi nito.
Iginiit pa ni Cayetano na kung nararamdaman ng iba’t ibang kampo ng mga kandidato na may kinikilingan ang mga media networks o ang Commission on Elections (Comelec) ay nagiging biased, maaaring magtakda ng mga panuntunan para sa mga debate.
“Kung sinasabi ng iba’t ibang kampo biased kasi si ganito, biased si ganyan, so bakit hindi instead of media networks at saka Comelec ang gumawa ng rules, ang pagawan natin ng rules ang representatives nu’ng mga kandidato,” pahayag pa ni Cayetano.
Sinabi pa ni Cayetano, na tumatakbong senador, na nasa taumbayan na ang desisyon kung sino ang iboboto ng mga itong kandidato.
“’Di naman natin madidiktahan ang mga tao,” aniya pa.
