
Ni NOEL ABUEL
Tiwala si Senador Christopher “Bong” Go na mas mapapabuti ang public health system sa bansa kasunod ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 11 panukalang batas na naglalayong mapabuti ang mga ospital na nasa pangangalaga ng Department of Health (DOH).
Sinabi ni Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, ang nasabing mga panukalang batas ay makatutulong sa mga mahihirap lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Kabilang sa itatayo at ia-upgrade na pagamutan ay sa Abulug, Cagayan; Bocaue, Bulacan; Villanueva, Misamis Oriental; Sultan Kudarat, Maguindanao; Cagayan de Oro City; Cebu City; Daraga, Albay; Jolo, Sulu; Santa Barbara, Iloilo; San Fernando City, La Union; at Barotac Nuevo, Iloilo.
“Sa pandemyang ito, nakita natin kung gaano kahalaga ang investment sa kalusugan. Nahirapan tayo noong umpisa ng pandemya dahil hindi natin binigyang pansin nitong nagdaang mga dekada ang pagpapalakas ng ating healthcare system capacity,” ayon sa senador.
“Bagama’t patuloy na bumababa ang mga bagong kaso ng COVID-19, kailangan pa rin nating maging handa dahil hindi natin alam kung ilang pandemya pa o bagong variants ng COVID-19 ang darating. Huwag po nating hintayin na tuluyan nang bumigay ang healthcare system natin at malagay sa panganib ang buhay ng ating mga kababayan,” dagdag nito.
Sinabi pa ni Go na naging saksi ito sa paghihirap ng mga pamilyang nasa malalayong lugar dahil sa mahirap na marating ang mga ospital.
“Saksi po ako sa kalagayan ng ating mga kababayan sa pag-iikot ko sa mga ospital sa buong bansa. Nakakapanlumo pong makita na iyong ibang pasyente nasa corridor po ng ospital dahil walang available na kama. Some hospitals have already exceeded their bed occupancy rate with some reaching as high as 400%. Kawawa po ang kalagayan nila,” aniya pa.
Kabilang sa nilagdaang panukala ang Republic Act No. 11718 na naglalayong magtayo ng Northwestern Cagayan General Hospital sa Abulug; ang RA 11720 na magtatayo ng Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue; ang RA 11721 na magtatayo ng Northeastern Misamis General Hospital; ang RA 11715 na gagawin ang Cotabato Sanitarium sa Sultan Kudarat para maging Cotabato Sanitarium and General Hospital at dagdagan ang bed capacity.
