Samal Island-Davao City connector project inilunsad ng Pilipinas at China

NI NERIO AGUAS

“It is all systems go”.

Ito ang sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagsasabing sinimulan na ang disenyo at pagtatayo ng Samal Island-Davao City Connector Project ng ahensya.

Sa launching ceremony sa nasabing bridge project na pinondohan ng Official Development Assistance (ODA) ng People’s Republic of China (PRC), noong Hulyo 6, 2022 sa Department of Foreign Affairs (DFA) Main Office sa Roxas Boulevard, Pasay City.

Ang scale model ng 3.98 kilometrong Samal Island-Davao City Connector Project ay pormal na inilunsad nang bumisita si Chinese State Councilor at Foreign Minister Wang Yi; Ambassador Huang Xilian ng People’s Republic of China in the Republic of the Philippines; DFA Secretary Enrique A. Manalo; at DPWH Secretary Manuel M. Bonoan at Undersecretary Emil K. Sadain.

Sa nasabing okasyon ay ipinakita rin ang commemorative plaque ng Samal Island-Davao City Connector Project na may pondong ₱23.039 bilyon.

Sinabi ni Bonoan na ang konstruksyon ng toll-free, four-lane Samal Island-Davao City Connector ay isang magandang balita sa mga commuters at mga motorista sa Davao Region dahil sa mababawasan na ang tagal ng biyahe ng mga ito at magiging 5-minuto na lamang ang kakailanganin para makapunta sa  Island Garden City of Samal at sa highly urbanized Davao City.

Ang Samal Island-Davao City Connector Project ay naglalayong pahusayin ang internal mobility at external linkages upang suportahan ang potensyal na paglago ng ekonomiya at pagdagsa ng mga turista sa nasabing rehiyon.

Ang proyekto ay ang unang loan agreement ng gobyerno ng Pilipinas at ng People’s Republic of China para sa isang proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng pagpapatupad ng DPWH Unified Project Management Office (UPMO) Operations.

Ayon kay Bonoan, ang nasabing proyekto sa ilalim ng Build Build Build program, ang Samal Island-Davao City Connector Project ay susi sa Government-to-Government cooperation project sa pagitan ng Pilipinas at China at ang implementasyon nito ay sisimulan ngayong 2022 at inaasahang matatapos sa taong 2027.

Sinabi naman ni Underscretary Sadain, in-charge ng DPWH UPMO Operations, na ang bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at China ay mas lalong tumibay at lumaki lalo na at dalawang China-grant bridges, ang Estrella-Pantaleon at ang Binondo-Intramuros Bridges na naging landmark tourist attraction dahil sa kanilang aesthetic at iconic design.

Sinasabing ang Samal Island-Davao City Connector Project ay nakikita bilang modern bridge na magkokonekta sa Samal Circumferential Road sa Barangay Limao, Island Garden City of Samal hanggang sa Davao City sa pagitan ng R. Castillo-Daang Maharlika junction.

Dadaanan nito ang Pakiputan Strait, Samal Island-Davao City Connector na may lawak na 24 metro at vertical navigational clearance na aabot sa 47 metro at susuportahan ng dalawang pylons na may taas na 73 metro.

Leave a comment