15-araw na family at medical leave isinulong ni Sen. Revilla

Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.

NI NOEL A BUEL

Isinusulong ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang panukalang batas na naglalayong maibsan ang hirap at pagdurusa ng mga pamilyang Filipino partikular ang mga nagtatrabaho.

 Ayon kay Revilla, inihain nito ang Senate Bill no. 24 o ang ‘Family and Medical Leave Act of 2022’, na magbibigay ng 15-araw na paid leave sa loob ng 1-taon sa mga empleyado.   

Sinabi ng mambabatas na hinahangad nitong maging saklolo ng bawat empleyadong Pilipino na nais makapiling ang kanilang pamilya sa kabila ng kanilang mga katungkulan.

Ang naturang panukala ay naglalayong bigyan ng 15 araw sa isang taon ang empleyadong Pilipino kung saan maari silang puwedeng hindi pumasok ng trabaho kung may kaanak na may seryosong karamdaman.

Sinisigurado ng iminumungkahing batas na ito na makakatanggap pa rin ng sweldo ang mga empleyadong gagamit ng kanilang Family and Medical Leave.

Batid ani Revilla ang pagkakalapit ng mga myembro ng pamilyang Pilipino sa isa’t isa, sa ilalim ng batas na ito, ang sino mang may asawa, magulang o hindi pa ikinakasal na anak ay may seryosong karamdaman.

Dagdag pa rito, aplikable rin ito sa mismong manggagawa na dinapuan ng malubhang sakit.

Matapos siyasatin at aralin ng butihing senador ang mga dagok na kinakailangang pagdaanan ng bawat pamilyang may miyembrong may matinding sakit, napag-alaman nito na ang mahabang gamutan ay nagiging dahilan ng pagkaubos ng sick leaves maging ng vacation leaves ng mga empleyado.

Sa kasalukuyan nga ay wala aniyang ibang magawa kung hindi ang lumiban sa trabaho na malaking kabawasan sa kita, o mas malala pa ay matanggal sa trabaho.

 “Walang batas na nagbibigay ng leave sa mga empleyado para alagaan ang kaanak nilang may malubhang karamdaman. Kung magiging ganap na batas ang Family and Medical Leave Act, mabibigyan na ng pagkakataon ang mga kababayan natin na maalagaan ang kanilang kapamilya nang hindi nag-aalala na mawalan ng suweldo at trabaho,” saad ni Revilla.

Upang magamit ang benepisyong ito sa ilalim ng batas, kailangan lamang na ang isang empleyado ay nakapanungkulan ng 12 buwan pataas at may 1,250 oras na iginugol sa pagtatrabaho.

“Mabigat na pagsubok sa Pilipino kung may kapamilya silang tinamaan ng matinding sakit. Bukod sa malaking gastusin, problema rin ang mahabang oras na kailangang gugulin sa pagpapagamot at pagpapaospital. Isang malaking tulong kung bibigyan natin sila ng ilang araw sa isang taon na makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay upang maalagaan at asikasuhin. Huwag naman nating ipagkait sa kanila ang panahong ito lalo’t madami sa kanila ay may nalalabi na lamang na araw upang magsama-sama,” paliwanag pa ni Revilla.

Leave a comment