Libreng pabahay sa public school teachers

Ni Noel Abuel

Magandang balita para sa mga pampublikong guro sa buong bansa.

Ito ay sakaling maging batas ang panukalang batas na Inihain sa Kamara na naglalayong pagkalooban ng libreng pabahay sa mga pampublikong guro.

Sa House Bill No. 1041 o mas kilalang “Free On-Site Living Quarters for Public School Teachers Act” na Inihain ni Pinuno partylist Rep. Howard Guintu na naglalayong matulungan ang mga public school teachers partikular ang mga nakatira sa malalayong lugar at malayo sa pinapasukang eskuwelahan.

“This bill will address the problems of our public school teachers who need to travel though mountainous regions for long hours just to reach their designated schools,” sabi ni Guintu.

Binanggit din ni Guintu na sa tumataas na halaga ng gasolina, magiging praktikal para sa gobyerno na magbigay ng pabahay para sa mga guro upang matulungang mabawasan ang kanilang gastos sa transportasyon at magbigay ng higit pa para sa kanilang mga pamilya.

Ayon sa kongresista, nakasaad sa  Salary Standardization Law of 2019 na ang mga nasa Teacher 1 positions ay kumikita lamang ng P25,349 kada buwan.

Sa panukala, ang Department of Education (DepEd) ay dapat na magkaloob sa mga guro ng matitirahan at makataong tirahan sa pinakamalapit na posibleng lokasyon sa mga pampublikong paaralan.

Nakasaad din sa panukalang batas na hindi dapat tanggalin ang mga kasalukuyang benepisyo at allowance na ibinibigay sa mga guro ng pampublikong paaralan.

“Providing a safe and livable environment for our public school teachers will help improve their employment and working conditions,” paliwanag pa ni Guintu.

Leave a comment