
NI NOEL ABUEL
Iginiit ng isang senador na dapat lamang na bigyan ng kaya’t na tulong ang mga magsasaka sa buong bansa sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tulong pinansyal.
“Sa lahat ng hirap at sakripisyo na binubuhos ng mga Filipino rice farmers, nararapat lang na bigyan sila ng kagyat na tulong. Sila na nagtitiis sa ilalim ng nakakapasong init ng araw upang patuloy na matugunan ang pangangailan sa bigas ng Pilipinas, ang isa sa mga sektor na dapat nating pagtuunan ng labis na pansin at pangangalaga,” ito ang sabi ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. sa inihain nitong panukalang batas.
Inihayag ni Revilla ang masidhi nitong paglalayong makabigay ng tulong pinansiyal sa mga mahihirap na tagapagtanim ng palay.
Isinusulong ni Revilla na mabigyan ng tulong pinansiyal ang mga magsasakang pasok sa mga kwalipikasyong itinatakda ng iminumungkahing batas tulad ng: patuloy na pagtatanim ng palay, rehistrasyon sa Department of Agriculture sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture, pagpapalaganap at paggamit ng inbred palay seeds, pagpasa ng application upang masama sa subsidized insurance coverage, at pagdalo sa mga training program.
Aniya, ang naturang halaga na matatanggap ng mga magsasaka ng palay sa ilalim ng conditional cash transfer grant ay magmumula sa halaga ng annual tariff revenues mula sa rice importation na labis sa P10 bilyon.
Sinabi pa ng senador na upang makapagbigay ng karagdagang kita sa rice farming household-beneficiaries, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay inatasan ding magsagawa ng short-term intervention upang makapagbigay ng pansamantalahang hanapbuhay sa mga kaanib ng kuwalipikadong sambahayan ng magsasaka.
Ang nabanggit na panukala ay malaking dagdag sa Republic Act No. 11598 o ang “Cash Assistance for Filipino Farmers Act”, na may mandato sa DA na magbigay ng tulong pinansiyal na kasalukuyang nagkakahalaga ng P5,000.00, para sa mga magsasaka na nagbubungkal ng 2 ektaryang lupa pababa.
Ipinarating din ni Revilla na kasangga nito ang mga magsasakang Pilipino sa pagpapalawig pa ng mga ayuda at tulong sa mga bayani sa ating mga bukid at hangad nito ang kinabukasan kung saan matatamasa na ng magsasakang Pilipino ang ginhawang kapalit ng mga pagsisikap at pagtitiyaga ng mga ito.
