
Ni NOEL ABUEL
Muling inihain ni Senador Sonny Angara ang kanyang panawagan na magkaroon ng lifetime validity ang identification card na ibinibigay sa mga persons with disabilities (PWDs).
Sinabi ni Angara na para sa mga indibidwal na may permanenteng kapansanan, hindi na dapat pang pag-usapan na kailangan pang i-renew ang kanilang mga PWD ID.
Kabilang aniya dito ang mga may maliwanag na kapansanan o may kapansanan na makikita sa pagkakaroon ng pisikal na kapansanan at kapansanan sa paggalaw.
“Matagal na natin tinutulak na gawing panghabangbuhay ang bisa ng PWD IDs, partikular sa mga may kapansanan na permanente. Hindi naman na kinakailangan pang suriin pa ang kalagayan nila kada ilang taon para lang i-renew ang kanilang mga ID,” giit ni Angara.
Muli ring binuhay ni Angara ang kanyang panukala na nagbibigay ng lifetime validity sa mga PWD ID na may permanenteng kapansanan at senior PWDs.
Sa kasalukuyan, ang mga PWD ay kinakailangang mag-renew ng kanilang mga PWD ID kada limang taon batay sa panuntunan na itinakda sa ilalim ng National Council on Disability Affairs Administrative Order No. 001 series of 2021.
Ayon pa sa senador, ang prosesong ito ay nagdudulot ng malaking hamon sa karamihan ng mga PWD na may mga isyu sa mobility dahil kailangan nilang personal na humarap sa opisina ng gobyerno upang isumite ang kanilang mga dokumento at upang masuri.
“It doesn’t help that many government offices and facilities, including public transportation remain non-PWD friendly in spite of our many laws that require them to be accessible to PWDs,” ani Angara.
Parehong ang Batasang Pambansa Blg. 344 o ang Accessibility Law at Republic Act 7277 o ang Magna Carta for Persons with the Disability mandate na ginagawang accessible sa mga PWD ang mga opisina at pasilidad na ito.
Sa 2021 report ng National Council on Disability Affairs (NCDA), nasa 43 porsiyento ng mga local government units (LGUs) ay may Persons with Disability Affairs Offices.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang NCDA, sa konsultasyon sa mga stakeholders, ay maglalabas ng listahan ng mga kapansanan na itinuturing na permanente sa loob ng 60 araw mula sa bisa ng batas.
Ang isang PWD ID, na nagsisilbing pambansang ID para sa mga PWD, ay dapat na maging batayan para sa karapatan ng mga pribilehiyong ipinagkaloob sa ilalim ng Magna Carta for PWD.
Kabilang sa mga pribilehiyo ang diskuwento sa pagkain at serbisyo gayundin ang VAT exemption sa transportasyon, gamot, at medical services.
