
Ni NOEL ABUEL
Iminungkahi ni Senador Christopher “Bong” Go na magtalaga ng mga health safety officers sa mga paaralan upang makatulong na mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral, guro, at tauhan ng paaralan.
Ito ang sinabi ni Go, ang chairman ng Senate Committee on Health, upang masiguro na hindi magkakaroon ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga eskuwelahan.
Sa ambush interview matapos personal na magbigay ng tulong sa mga mahihirap na residente sa Maasin City, Leyte noong Huwebes, Agosto 11, sinabi ni Go na bagama’t sang-ayon ito sa pagpapatuloy ng face-to-face classes sa mga piling lugar, dapat unahin ng gobyerno ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral.
“Okay naman siguro. Sang-ayon po ako na bumalik tayo sa face-to-face classes but unahin po natin ang kalusugan at buhay ng ating kabataan. Always health and life ang priority natin dahil tumataas na naman ang kaso (ng COVID-19) sa ngayon,” sabi nito.
Pinalutang ni Go ang ideya na magtalaga ng health safety officers sa mga paaralan upang suriin ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at mga tauhan ng paaralan.
“Recently, tatlong senador ang nag-positive sa COVID. Patunay na tumataas na naman ang kaso, kaya doble ingat tayo at pag-aralan natin nang mabuti,” aniya.
“Dapat meron tayong ilagay na… health officer sa eskwelahan… to check na safe ba talaga ang mga bata, safe ang mga teacher, at dapat po magpabakuna ang lahat,” dagdag nito.
Itinakda ang simula ng mga klase sa Agosto 22 at tatagal hanggang Hulyo 7, 2023, ayon sa Department of Education Order No. 034, s. 2022.
Ang mga opsyon na magkaroon ng limang araw na in-person na klase, blended learning modality, o full distance learning ay papayagan lamang hanggang Oktubre 31, 2022.
Simula naman ng Nobyembre 2, 2022, ang lahat ng public and private schools ay inaasahan ang transition sa ordinaryong five-day in-person classes.
Samantala, kaugnay ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa gayundin ang iba pang umuusbong na banta sa kalusugan tulad ng Monkeypox, sinabi ni Go na magsasagawa ng pampublikong pagdinig ang Senate Health Committee sa Lunes, Agosto 15, upang talakayin sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang mga update sa pagtugon ng gobyerno sa pandemya ng COVID-19, kabilang ang mga ulat tungkol sa pag-aaksaya ng bakuna, at iba pang alalahanin sa kalusugan tulad ng mga hakbang na itinakda upang maiwasan ang pagkalat ng monkeypox.
“Sa darating po na Lunes, magkakaroon po ng hearing, along with the organizational meeting na ipinatawag ng Committee on Health ay ididinig po namin ang sinasabing mga nasayang na vaccine na nabili ng gobyerno,” sabi ni Go.
“Pag-uusapan po namin ang paghahanda ng gobyerno sa monkeypox na naiulat na pumasok, bakuna para sa monkeypox, at iba pang health related issues like dengue na tumataas ang kaso,” ayon pa dito.
