
Ni NERIO AGUAS
Tinitiyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tuluy-tuloy ang isinasagawang konstruksyon ng dagdag na dalawang road lanes para sa Arterial Road (Plaridel) Bypass Project sa probinsya ng Bulacan.
Ito ang sinabi ni DPWH Senior Undersecretary Emil K. Sadain base sa ipinadala nitong ulat kay Secretary Manuel M. Bonoan, kung saan dalawang contractors na ang nagtutulungan para matapos na ang dalawa pang linya ng kalsada na dagdag sa dalawa nang road lanes ng 23.36-kilometer Arterial Road (Plaridel) Bypass Project.
Simula sa Barangay Borol, Balagtas sa station 34 + 900 hanggang Barangay Maasim, San Rafael sa station 57 + 366, Phase 3 ng Arterial Road (Plaridel) Bypass Project ang nangangailangan ng paglalagay ng bagong concrete box culverts at drainage structures, grade work and concrete paving, pagtatayo ng tulay at flyovers, at slope protection at iba pang gawain.
Sinabi pa ni Secretary Bonoan na ang capacity augmentation sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kalsada at tulay ay hindi lamang magbibigay ng higit na kaginhawahan sa mga commuters kundi mapapadali na rin ang paghahatid ng mga produkto sa Bulacan, Nueva Ecija at Cagayan Valley Region patungo sa Metro Manila.
Habang patuloy na umuusad ang aktibidad sa pagpapaunlad para sa P5.26 Billion Arterial Road (Plaridel) Bypass Project Phase 3 na pinondohan ng loan agreement ng Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa pagpapatuloy ng pag-unlad, ang mga motoristang gumagamit ng kasalukuyang bypass road ay pinayuhan na dumaan na mag mahigpit na pag-iingat dahil sa mga isinasagawang konstruksyon at tingnan ang mga signages, men at work, at mga kagamitan.
Inatasan ni Sadain ang DPWH Unified Project Management Office (UPMO) Roads Management Cluster 1 Project Director Benjamin A. Bautista at Project Managers Basilio Elumba at Hermie Sablan na sigurihin na nasusunod ang construction safety standards ng mga contractors at consultants.
Ang contract packages (CPs) 1 at 2 ay ibinigay sa C.M. Pancho Construction Inc. para sa konstruksyon ng 12.27 kilometer two (2)-lane concrete road mula sa Barangay Tiaong, Guiguinto hanggang Barangay Bonga Menor, Bustos.
Target na matapos ang CP 1 at CP 2, sa ikatlong bahagi ng 2023, ang konstruksyon ng 7 maigsing tulay na may kabuuang habang 260 meters, dalawang flyovers, 10 underpass, drainage facilities, at slope protection works kabilang ang paglalagay ng road signs, kilometer posts, guardrails, at pavement markings.
Gayundin, 79 porsiyento na at inaasahang matatapos sa unang bahagi ng 2023 ang contract package 4 sa ilalim ng Sino Road & Bridge Group Company Ltd. na sumasakop sa 7.70 kilometer widening mula station 49 + 625 sa Brgy. Tambubong, San Rafael hanggang station 57 + 365 sa Philippines – Japan Friendship Highway o Daang Maharlika Highway in Barangay Maasim, San Rafael.
Ang konstruksyon ng 318 meter Flyover No. 4 ay 64 porsiyento nang tapos sa kahabaan ng Kalsadang Bago sa San Rafael na bahagi rin ng contract package 4.
