
NI KAREN SAN MIGUEL
Hindi pa kailangan na magkaroon na ng mandatory evacuation sa mga lugar na malapit sa Bulkang Taal dahil sa muling pag-aalboroto nito sa ilang nakalipas na araw.
Ito ang sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum kung saan wala pa aniyang nakikitang dahilan para magkaroon ng mandatory evacuation sa mga lugar na malapit sa Bulkang Taal.
Ito ay sa kabila ng muling pagbubuga nito ng abo at usok sa mga nakalipas na araw na nag-resulta sa makapal na usok o volcanic smog.
Sinabi pa ni Solidum na wala pang indikasyong ipinakikita ang Bulkang Taal para ito ay muling magkaroon ng malakas na pagsabog.
Sa kabila nito, tiniyak ng kalihim na mahigpit nilang binabantayan ang sitwasyon ng Bulkan.
Muli naman nitong pinayuhan ang mga residente sa Batangas at mga kalapit na lugar na umiwas na muna sa outdoor activities at ugaliing magsuot ng face masks para hindi maapektuhan binubugang volcanic SO2 ng Bulkang Taal.
Ayon sa Phivolc, nagbubuga ang Taal Main Crater ng 13,572 tonelada kada araw na volcanic sulfur dioxide o SO2 gas noong nakalipas na araw na nagdulot ng volcanic smog o vog sa kalakhang Taal Caldera.
Tinatayang ang ibinugang volcanic gas ay pupunta sa himpapawid patungong silangan hanggang hilagang hilagang-kanluran batay sa datos ng air parcel trajectory ng DOST-PAGASA.
Ayon pa sa Phivolcs, ang vog ay isang uri ng polusyon sa hangin na sanhi ng mga bulkan na binubuo ng mga pinong patak na naglalaman ng volcanic gas tulad ng SO2 na acidic at nakakairita ng mata, lalamunan at respiratory tract depende sa konsentrasyon o tagal ng pagkalanghap nito.
Ang mga taong sadyang mas maselan sa masamang epekto ng vog ay ang mga may karamdaman gaya ng hika, sakit sa baga at sakit sa puso, mga matatanda, mga buntis, at mga bata.
Apela pa ng Phivolcs, dapat na protektahan ng mga apektadong lugar ang kanilang sarili at gumamit ng nararapat na N95 face mask o gas mask at uminom ng maraming tubig upang maibsan ang iritasyon o paninikip ng daluyan ng paghinga.
Ang DOST-PHIVOLCS ay nagpapaalala sa publiko na nakataas ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal, na nangangahulugang wala sa normal na kalagayan ang bulkan at hindi pa lumilipas ang aktibidad o ang banta ng pagputok nito.