
NI NERIO AGUAS
Arestado ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang US national na wanted sa bansa nito dahil sa patung-patong na kasong may kaugnayan sa pornography.
Kinilala ni BI OIC Commissioner Rogelio D. Gevero, Jr. ang naarestong dayuhan na si Tye Braxton Stiger, 35-anyos, na dinakip ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) sa Diego Cera Avenue, Las Piñas City.
Armado ng mission order, sinalakay ng BI-FSU ang pinagtataguan ng nasabing dayuhan dahil sa impormasyon ng US authorities na may kinakaharap itong kaso.
Sa record ng BI, si Tye ay may warrant of arrest na inisyu ng Lungsod ng Jonesville, Hillsdale County, Michigan noong Hulyo ngayong taon para sa 35 kaso ng child pornography na naaayon sa Michigan Compiled Laws.
Sinasabing nagboluntaryo bilang isang guro sa Isang Sunday school sa simbahan sa estado ng Michigan, kung saan dito sinamantala ni Tye ang mga menor de edad na biktima sa loob ng anim na taon.
Kinasuhan ito ng patung-patong na kaso ng sexually abusive activity at nakuhanan ng child sexually abusive material ng mga naging biktima nito.
“Arresting these criminals has always been a priority of our agency, and getting another predator off our streets means we are protecting our kababayan from harm,” sabi ni Gevero.
Nabatid na nangako ang BI at Department of Justice na unahin ang pagpapatapon sa mga alien sex offenders.
Nauna nang inatasan ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla ang BI na maging mapagbantay laban sa mga dayuhang pedophile at tiyakin ang kanilang agarang pagdakip at pagpapatapon pabalik ng kanilang bansa.
Sa unang bahagi ng buwang ito, nakipagpulong si Remulla sa mga awtoridad ng US upang talakayin ang pagpapahusay ng kooperasyon sa paglaban sa mga cybercrime, na kinabibilangan ng sekswal na pagsasamantala sa kababaihan at mga bata.