Bagong gusali itinayo sa Dingalan, Aurora schools– DPWH

NI NERIO AGUAS

Dalawang eskuwelahan ang itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bayan ng Dingalan sa Aurora province bago pa magsimula ang face-to-face classes.

Sa kanyang ulat kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, sinabi ni DPWH Regional Office 3 (DPWH-RO3) Director Roseller A. Tolentino na ang nasabing school facilities ay itinayo sa Dingalan Central School at Tanawan Elementary School.

Ayon pa kay Tolentino, ang bagong gusali ay may dalawang palapag na may anim na silid-aralan Sa Dingalan Central School na ginastusan ng P15.9 milyon.

Habang sa Tanawan Elementary School, ang konstruksyon ay umabot sa P3.76  milyon na natapos bago magsimula ang pasukan sa paaralan kung saan  dalawang karagdagang silid-aralan ang itinayo.

Sinabi rin  ni Bonoan na agad na isinaayos ang pagtatayo ng karagdagang silid-aralan bago ang pagsisimula ng face-to-face classes matapos ang ilang taong online at hybrid learning set-ups nationwide.

Idinagdag pa ng kalihim na makakatulong ang nasabing proyekto sa pagpapanatili ng physical distance at maiwasan ang overcrowding.    

Nabatid na ang nasabing proyekto ay inimplementa ng DPWH Aurora District Engineering Office (DEO), na pinondohan ng 2022 General Appropriations Act (GAA) sa tulong ng Department of Education (DepEd).

Leave a comment