
NI NOEL ABUEL
Binatikos ni Senador Raffy Tulfo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kasunod ng natanggap nitong reklamo mula sa isang vlogger at isang online seller na binisita umano sa kanilang mga tahanan ng mga tauhan ng ahensya para magtanong tungkol sa kanilang buwis.
Binigyan-diin ng senador na kung talagang gusto ng gobyerno na makakolekta ng sapat na pera mula sa buwis ng taumbayan, dapat nitong pagtuunan ng pansin ang mga big fish, tulad ng bigtime oil smugglers.
“Bakit di nila unahing habulin ang mga bigtime oil smugglers na limpak-limpak na pera ang pwede nilang makolekta kumpara sa mga vloggers at individual online sellers na alam naman nilang barya-barya lamang ang makokolekta nila?” tanong ng senador.
Bagama’t naniniwala aniya ito na dapat magbayad ng kaukulang buwis ang mga Pilipino, sinabi nito na dapat malaman ng gobyerno ang kanilang mga prayoridad kung gustong i-maximize ang kita ng estado sa pamamagitan ng pagbubuwis.
Ipinunto ni Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Energy, na bilyun-bilyong piso taun-taon ang maaaring makolekta kung maayos lamang na ginagawa ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang tungkulin na labanan ang oil smuggling.
Upang labanan ang oil smuggling, pumasok ang gobyerno sa anim na taong kontrata sa Switzerland-based inspection services provider na Societe Generale de Surveillance (SGS).
Duda si Tulfo kung epektibo nga ba ang ganitong teknolohiya dahil hindi naman nito napigilan ang oil smuggling.
“Justifiable ba ‘yang contract kung laganap pa rin ang oil smuggling sa bansa? The government should consider developing the same technology and training our people to properly operate it para makatipid tayo,” suhestiyon nito.
“Isa pang rampant ay itong tinatawag na ‘Paihi’ kung saan doon pa lamang sa laot ay tina-transfer na yung mga oil sa barko papunta sa mga barge at dine-deliver sa oil depot,” dagdag nito.
Sinabi ng senador ang isyu ay dapat magtulak BIR at BOC na unahin ang paghabol sa mastermind ng oil smuggling sa halip na puntiryahin ang mga vlogger at online sellers na maliit ang kita.
Sa mga darating na linggo, sinabi ni Tulfo na maghahain siya ng Resolusyon para imbestigahan ang isyu.
