
NI NOEL ABUEL
Umapela ang isang kongresista sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na magtulungan para maabot ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na napipilitang tumakas sa kanilang mga employers dahil sa pang-aabuso.
Ginawa ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang panawagan sa pakikipag-usap nito kina DMW Secretary Susan “Toots” Ople at DFA Undersecretary Eduardo De Vega sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs.
Ayon kay Magsino, ang natatanging mambabatas na kinakatawan ang mga OFWs sa 19th Congress, inusisa nito ang mga programa at proyekto ng DMW at DFA sa pamamagitan ng inihain nitong House Resolution 93, na naglalayong pag-aralan ang implementasyon ng lahat ng programa at proyekto ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na naatasang protektahan ang karapatan at kalagayan ng mga OFWs.
“Our OFW leader reported a case wherein our kababayan in the Middle East was brought by her employer to a train station and abandoned there. Walang passport, walang pera, walang ibang gamit na dala ang OFW. Basta na lang inabandona ng amo. Hindi nila alam kung saan at kanino sila tatakbo. Sa mga ganitong sitwasyon, ang mapagkalingang kamay ng ating gobyerno ang dapat na umabot at umalalay sa kanila,” pahayag pa ni Magsino.
Sinabi pa nito na ang iniiwan at tumatakbong OFWs ay umaasa sa maliit na pag-asa na matulungan dahil madalas ay binabalewala ang mga ito at walang sapat na pera para makapunta sa embahada at konsulado o dahil sa sinapit na pisikal na pang-aabuso ng mga employer.
Idinagdag pa ng mambabatas na ilan din sa mga OFWs ay napipilitang magtago sa pangamba na balikan ng kanilang employers kung kaya’t dapat na kumilos ang pamahalaan upang hanapin at tulungan sa halip na hintayin na makarating sa embahada at konsulado.
Tumugon naman ang DFA na nagsabing nagpaplano na ito ng mga misyon lalo na sa Gitnang Silangan upang magkaroon ng updated database kung saan karamihan sa mga manggagawang Pilipino ay matatagpuan at may komunikasyon sa kanila.
Sa kabilang banda ang DMW ay sinabing tutulong para sa kapakanan ng mga OFWs dahil ito ang tanging responsibilidad nito kung kaya’t itinatag ang nasabing ahensya.
