
Ni NOEL ABUEL
Umapela ang isang kongresista sa Commission on Higher Education (CHED) na siguruhing matutulungan ang mga estudyante ng nagsarang Colegio de San Lorenzo sa Quezon City.
“With the doors of Colegio de San Lorenzo now closed, it is now up to QC (Quezon City) officials and agencies like the Commission on Higher Education (CHED) to open windows of opportunities for students who want to continue their education,” sabi ni Quezon City 1st District Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde.
Personal na ipinarating ni Atayde kay CHED Chairperson Dr. J. Prospero “Popoy” de Vera ang apela para hilingin ang tulong ng komisyon sa pagtukoy at pakikipag-ugnayan sa mga paaralan na kayang tumanggap sa mga dating mag-aaral ng Colegio de San Lorenzo.
“Ang priority natin, siyempre, ay matiyak na ang mga dating mag-aaral ng paaralan ay makakalipat sa ibang mga paaralan, at tiniyak sa atin ni CHED Chair de Vera na sila ay magbibigay ng tulong sa usaping ito,” dagdag pa nito.
“Sa tingin ko kailangan talaga ng tulong para ma facilitate ang paglilipat; there may be delays in the processing of the students’ transfer requirements given how many of them need these documents,” ayon pa kay Atayde.
Ipinunto rin ng bagitong mambabatas na maaaring kailanganin ang interbensyon upang ang mga mag-aaral na ito ay hindi na kailangang magbayad ng tuition sa mga bagong paaralan hangga’t hindi nakakakuha ng refund mula sa Colegio de San Lorenzo.
Binigyan-diin din nito na ang mga mag-aaral na nag-aagawan para sa mga parangal sa akademya ay hindi dapat madamay sa biglaang pagsasara ng nasabing paaralan upang maging patas sa mga mag-aaral na nagsumikap ng maraming taon upang maging kuwalipikado para sa pagkilala sa akademiko tulad ng Latin honors.
“We will make every effort to request the schools accepting these students to hopefully consider crediting them for the grades they earned while in Colegio de San Lorenzo; hindi naman kasalanan ng bata na nagsara ang eskwelahan,” ayon pa kay Atayde.
Sinabi ni Atayde na dapat suriin kung maaaring parusahan ang naturang paaralan upang panagutin sa “traumatizing inconvenience” na idinulot ng pagsasara nito.
“I recognize that times have been tough on many businesses because of the pandemic, but contingency plans should have been put in place by Colegio de San Lorenzo management to ensure that its students would not suffer from the school’s financial difficulties,” giit pa nito.
