
NI NERIO AGUAS
Nanawagan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga magsasaka, kooperatiba at entrepreneurs na magtatag ng mas maraming farm schools sa kani-kanilang lugar na makakatulong sa pag-unlad ng mga residente nito.
Sa kanyang pagdalo sa “Training of Facilitators on Farm Business School” seminar sa Cavite, sinabi ni TESDA Deputy Director General Aniceto D. Bertiz III na sa pamamagitan ng mas maraming agriculture-based training ay mas mapapahusay ang produksyon ng mga magsasaka.
“Ang pagbibigay ng access sa technical vocational education and training o TVET sa pamamagitan ng agri-fishery farm schools ay isang istratehiya para makamit ang pangmatagalang hangarin ng pag-unlad para sa mga kanayunan,” sabi ni Bertiz.
Aniya, sa kasalukuyan ay kumikita lamang ang mga magsasaka ng P2,300 kada buwan sa bawat kalahating ektarya ng lupain at hindi nakakasapat para masuportahan ang kanilang pamilya.
“This training has been designed so that our farmers will have the right knowledge, skills and attitudes that will help increase their agricultural production through new technologies and entrepreneurial activities,” aniya.
Bilang bahagi ng enterprise-based training o ng “EBT to the Max” initiative, pinatutupad ng TESDA ang Program on Accelerating Farm School Establishment (PAFSE) upang ipagmalaki ang dumaraming farm schools at paggamit ng “farmer to farmer, learning by doing” methodology.
Upang makasali sa agri-related programs, ang bukid ay maaaring umabot ng isang ektarya o mas malaki pa sa 10 ektarya kung saan nasa 62 training programs ang maaaring iparehistro sa TESDA ng publiko sa ilalim ng PAFSE.
Kabilang dito ang qualification titles tulad ng Agricultural Crop Production, Aquaculture, Horticulture, Organic Agriculture Production, Rice Machinery Operations, at Animal Production at iba pa.
Sasagutin ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng TESDA ang halaga ng pagsasanay at assessment kung saan ang target beneficiaries ng programa ay mga magsasaka at mangingisda.
Sa kasalukuyan, nasa 399 farmer field school programs ang nakarehistro sa TESDA at pinatutupad sa mga farm schools gayundin sa mga pribado at pampublikong institutusyon sa buong bansa.