
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pag-asa si Quezon City 1st District Rep. Arjo Atayde na maipapasa ng Kongreso ang panukalang pag-regulate sa internet transactions.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ng House Committee on Trade and Industry ang consolidated bills, kasama ang House Bill No. 3084 o ang Internet Transactions Act, na inihain ni Atayde na naglalayong i-regulate ang online commercial activities at masiguro na mapoproteksyunan ang mga consumers na nasa online transactions.
Sinabi ng mambabatas na ang nasabing panuka ay kabilang sa priority measures na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng Kongreso sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo.
Umaasa si Atayde na tuluyan na itong maipapasa ngayong 19th Congress kung saan noong nakakipas na Kongreso ay pumasa na ito sa ikatlo at huling pagbasa.
Binigyan-diin ng kongresista ang pangangailangan ng batas patungkol sa mga transaksyon sa internet, dahil na rin sa maraming reklamo sa pekeng produkto, at data at identity theft.
“This is why Congress has to step in, to ensure that we provide an appropriate environment that both allows e-commerce to flourish, while weeding out the negatives such as predatory behavior and the lack of redress for aggrieved clients,” paliwanag pa ng bagitong mambabatas.
Idinagdag pa ni Atayde na sa panukala, magbibigay ng panuntunan sa regulasyon sa internet commercial transactions at may layuning isulong ang competition and innovation, at masiguro na ligtas at reliable digital communication at proteksyon ng mga consumers.
Ang isang probisyon ng panukala ay ang pagbuo ng eCommerce Bureau sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) na siyang babalangkas ng polisiya at subaybayan kung nakasusunod sa panukala.
