
NI NERIO AGUAS
Nananatiling sarado pa rin ang tatlong national road sa Cordillera Administrative Region (CAR) at sa Region 2 dahil pa rin sa eperto ng nagdaang Severe Tropical Storm ‘Florita’.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan, hindi pa rin madadaanan ng mga motorista ang Kennon Road kung saan maaaring daanan ng mga ito ang Marcos Highway, Baguio – Bauang Road, o Asin – Nangalisan – San Pascual Road patungong Baguio City bilang alternatibong ruta.
Sinabi pa ng kalihim na patuloy ang isinasagawang road clearing operation sa kahabaan ng Claveria-Calanasan-Kabugao Road, K0717+500-K0717+570 sa Namaltugan, Calanasan, Apayao dahil sa mga nagkalat na lupang gumuho.
Samantala, dahil naman sa pagbaha, ang Cabagan-Sta. Maria Road, Cabagan Overflow Bridge sa Isabela ay sarado pa rin sa lahat ng uri ng sasakyan.
Maaari namang gamitin ng mga motorista bilang alternative road ang Daang Maharlika-Cagayan Valley Road.
