

NI NOEL ABUEL
Sinsero ang Marcos administration na buwagin ang nagyayaring kurapsyon sa mga ahensya ng pamahalaan partikular sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Ito ang sinabi ni Department of Finance Secretary Benjamin Diokno, sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, kung saan mas pinalakas na aniya ng BOC at BIR ang kani-kanilang anti-corruption campaign sa pamamagitan ng digitalization.
“I think, to be fair with both agencies, they have done a lot of digitalization already during the past administration. What we can promise is, we’ll do even better,” sabi ni Diokno.
Aniya, ang Digital Transformation (DX) Program ng BIR ay naglalayong baguhin ang data-driven organization nito sa pamamagitan ng digitally-empowered workforce na isang teknolohiya para mapahusay ang serbisyo nito at malakawak ang taxpayer experience.
Noong 2021, 93 percent of returns ang isinagawa sa pamamagitan ng electronically at binigyan ng mas madaling trasaksyon ang mga taxpayers sa 24/7 na operasyon nito.
Sinabi ni BIR Commissioner Lilia Guillermo na maliban sa digital transformation, ipinatutupad din ang moral transformation sa buong organisasyon nito sa pamamagitan ng value-formation courses.
Habang sa BOC, sinabi ni Deputy Commissioner Edward James Dy Buco na una nang nagpatupad ang ahensya ng paperless transactions.
Ipinagmalaki pa ni Buco sa mga senador na 91.18 porsiyento o 155 mula sa 170 customs processes ay automated na kung saan noong Marso 1, 2022 sa tulong ng United Nations Economic and Social Commission for Asia and the Pacific (UNESCAP), nakumpleto na nito ang national action plan para sa cross-border paperless trade.
“In addition, the BOC has enrolled in various integrity enhancement and moral transformation programs” sabi pa ni Buco.
Habang sa kampanya laban sa kurpasyon, inilipat na ng BOC ang nasa 3,855 empleyado at naghain na ng show-cause orders sa 1,407 personnel, samantalang 183 administrative cases at 164 reklamo ang isinampa sa Office of the Ombudsman.
Ayon pa sa BOC, aabot na rin sa 192 empleyado ang tinanggal sa posisyon habang 24 naman ang tinanggal sa serbisyo.
At dahil sa mas pinagting umanong digitalization programs noon pang nakalipas na administrasyon, nagawa ng BIR at BOC na malagpasan ang koleksyon nito kahit nasa pandemya ang bansa.
Ayon kay Guillermo, nakakolekta ang BIR ng P2.1 trillion noong 2021 na mas mataas ng P5.1 bilyon na target nito.
Samantalang ang BOC, nakakoleta ito P643.56 bilyon, o 104.3 porsiyentong pagtaas kung ikukumpara sa target nitong P616.75 bilyon.