
NI NOEl ABUEL
Suportado ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang paglalaan ng dagdag na pondo para sa tanggapan ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.
Base sa 2023 National Expenditure Program (NEP), ang OVP sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte, ay humihiling ng P2.3 bilyong pondo na halos triple ang katumbas sa inilaang pondo ngayong taon na nasa P713.2 milyon.
Paliwanag ni Herrera, naniniwala aniya ito na bawat sentimo ng ibibigay na pondo sa OVP ay magagamit ng tama sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga programa at proyekto.
“I fully support the proposed 2023 budget of the OVP because I believe in the capabilities of VP Sara and I’m sure that the funds allocated to her office will be put to good use,” sabi ni Herrera.
“The nearly P2.3-billion allocation will allow the OVP to sustain its operations and reach more people in need of government support,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ng kongresista na ang pagtaaas na budget ng OVP ay makatwiran lamang at ang paggamit nito ay hindi dapat pagdudadahan.
Binanggit pa ni Herrera ang special provisions sa NEP, partikular ang pangngailangan ng OVP na magsumite ng quarterly reports sa mga financial at physical accomplishments sa loob ng 30-araw pagkatapos ng bawat quarter.
Itinatakda ng NEP na ang OVP ay dapat na magsumite ng written notice sa sandaling naisumite o nailagay na sa website ng Department of Budget and Management (DBM), House of Representatives, Senate, House Committee on Appropriations, Senate Committee on Finance, at iba pang ahensya ng pamahalaan kung saan isinusumite ang ulat na kinakailangan sa ilalim ng kasalukuyang batas, alituntunin at regulasyon.
Ayon pa sa ulat, ang OVP sa ilalim ni Duterte ay nagkakaloob na ng medical at burial assistance simula pa noong manungkulan ito noong Hulyo 1.
Naglunsad din ang OVP ng Peak Hours Augmentation Bus Service-Libreng Sakay program, kung saan limang pampasaherong bus ang ipinakalat sa Metro Manila at sa iba pang syudad sa Davao, Cebu, at Bacolod.
Nagbukas din ang OVP ng satellite offices sa Dagupan, Cebu, Tacloban, Zamboanga, Davao, at Tandag sa Surigao del Sur upang maabot ang serbisyo ng OVP ng mga tao.
