
Ni NOEL ABUEL
Umaasa si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa pangako ng Department of Budget and Management (DBM) na magpapalabas ito ng P1.26 bilyon para magamit ng National Power Corporation (NAPOCOR) para sa pagsasaayos ng mga obligasyon sa fuel providers upang maiwasan ang krisis sa kuryente sa Mindanao at Luzon.
Ayon sa kongresista, ipinarating nito kay DBM Sec. Amenah F. Pangandaman ang estado ng kahilingan nito para sa NAPOCOR na ang pondo ay gagamitin para mabayaran ang kumpanya ng langis na Petron para sa fuel charges.
Sinabi pa ni Hataman na ang power outages sa Basilan, gayundin sa iba pang bahagi ng bansa, ay mas lalong magiging malala sa oras na magdesisyon ang Petron na hindi mag-deliver ng gasolina sa 10 power plants kung mabibigo ang NAPOCOR na makapagbayad ng paunang P1.26 bilyon ng P2 bilyong obligasyon nito.
“We received the same information from (DOE) Secretary Lotilla. We are just waiting for the request if we can find funding for the fuel charges, I think it is roughly P1 billion until the end of the year,” sabi ni Pangandaman, sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Appropriations sa national budget kasama ang Development Budget Coordinating Council (DBCC).
“I already talked to Sec. Lotilla on the matter, and we are just waiting for the request from the department to initiate the processing of the release of the P1.2 billion for the fuel,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ng kongresista na kung mabibigo ang NAPOCOR na mabayaran ang Petron sa mga susunod na araw, hindi ito magbibigay ng gasolina sa power plants sa Basilan kabilang ang isang diesel power plant at two power barges: isa sa Isabela City at isa pa sa Lamitan.
“Total power outage ang mangyayari sa amin sa Basilan kung hindi makakabayad ang NAPOCOR. Kaya minabuti natin na i-follow up sa DBM ang kanilang request para sa pondo nang sa gayon ay maagapan ang posibleng power crisis hindi lang sa aming lalawigan, kundi sa ibang lugar din,” ayon pa kay Hataman.
“Nauunawaan natin ang kalagayan ng NAPOCOR, dahil alam nating tumaas ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado dahil sa Ukraine-Russia war. Kaya kailangan ng dagliang solusyon, at tingnan natin kung ano ang maaari nating itulong sa ahensya para maiwasan ito sa susunod na taon,” dagdag pa nito.