
NI NOEL ABUEL
Para matugunan ang mataas na kaso ng noncommunicable diseases at lalo pang palawakin ng serbisyong medikal sa bansa, isinulong sa Kamara ang panukalang magtatayo ng specialty hospital sa bawat rehiyon sa bansa.
Sinabi ni Anakalusugan party list Rep. Ray Florence Reyes sa inihain nitong House Bill No. 3134 o “Regional Specialty Hospital Act” na magtatayo ng tig-isang specialty hospital base sa nangungunang sakit sa bawat rehiyon.
“Karamihan sa mga specialty hospital ay nasa Maynila, at halos wala sa mga rehiyon. Panahon na upang tunay na ihatid at ilapit ang serbisyong medikal sa kanila. Ito ang mithiin ng panukalang ito,” ani Reyes.
“While we can no longer remain reactive, our regional health systems must continue to ably respond to specific organ diseases and continuing health challenges in the rural areas,” sabi pa ng mambabatas na ang specialty hospital ay mahahalintulad ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Lung Center of the Philippines, at iba pang pagamutan.
Ang pagtatatag ng mga sangay na ito ay isasaalang-alang ang mga laganap na sakit sa buong banda.
“International and local data has shown that many Filipinos die from noncommunicable diseases that could have been addressed and eliminated in their early stages. Death could have been prevented only if there was presence of specialty hospital in areas other than in Metro Manila — where not many could afford to travel to and from,” sabi ni Reyes.
Ang panukalang batas ay naglalayong magtayo ng isang specialty hospital sa Northern Luzon, Southern Luzon, Visayas, Northern Mindanao, at Southern Mindanao.
Ayon sa panukalang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ang Department of Health (DOH), sa konsultasyon sa Medical Director o Chief of Hospital ng mga specialty hospitals, ang mangunguna sa mga operasyon at pagtatatag nito.
Binanggit ni Reyes na ang poverty incidence sa bansa ay nananatiling hadlang para sa mga Pilipino na unahin ang kanilang kalusugan.
Sa isang artikulo na inilathala sa Acta Medica Philippina, binanggit nito na ang mga Pilipino ay gumagastos lamang ng 2.7% o humigit-kumulang P6,500 bawat taon para sa kanilang gastusin sa kalusugan.
Bilang karagdagan, ang mga low-income households na may mababang kita ay malamang na mabiktima ng mga sakuna na gastusin sa kalusugan, isang kababalaghan na nangyayari kapag ang isang pamilya ay naglalaan ng higit sa 40% ng kita nito para sa mga gastusin sa kalusugan, kapag nahaharap sa mga kondisyon na nangangailangan ng mas mahal na paggamot.
“This bill will ensure that special medical services are brought and readily available to rural families, rather than them spending more of their savings to avail it only in Metro Manila,” ayon pa dito.
