
Ni NOEL ABUEL
Bilang pagkilala sa napakahalagang papel ng mga guro sa pagbuo ng bansa, inihain ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang panukalang magkaroon ng dagdag na suweldo ang mga ito.
Sa Senate Bill No. 267 o ang “The Public School Teachers’ Salary Upgrading Act”, mula sa suweldo ng entry-level public school teachers na Salary Grade 11 o P25,439 ay gagawin itong Salary Grade 15 o katumbas ng P35,097 para makasabay sa patuloy na hamon ng hirap na pamumuhay sa bansa.
Kinilala ng beteranong mambabatas ang napakahalagang papel ng mga guro hindi lamang sa kanilang pangunahing tungkulin sa paghubog ng mga kabataan para maabot ang kanilang buong potensyal, kundi pati na rin ang kanilang kahalagahan sa pagtataguyod ng demokrasya at pagiging isa sa mga dakilang haligi ng lipunan.
“Hindi matatawaran ang ambag ng mga guro kahit saan mang lipunan. Wala siguro tayo sa kinatatayuan natin ngayon kung hindi dahil sa mga masisigasig nating “ma’am” at “sir” na walang-humpay tayong ginabayan para maging matagumpay sa buhay. Sila ang kaakibat natin sa pagpapalaki sa ating mga anak. Sila ang humuhubog sa ating kabataan at lumilinang sa kanilang kinabukasan. Kaya nararapat lamang na pahalagahan sila ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tama, sapat, at napapanahong sahod,” sabi ni Revilla.
Ayon pa sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang bawat pamilya na may 5 miyembro ay kailangan ng P42,000.00 ni para matawag na maayos ang buhay.
Gayunpaman, ito ay pinalala ng patuloy na nararanasang epekto ng pandemya at pagtaas ng inflation at sa kabila ng mas mahal na pangunahing pangangailangan, halos hindi tumaas ang suweldo ng mga guro.
“Dapat na natin itaas ang sweldo ng mga guro. Hindi na naaayon ang sahod na natatanggap nila sa bigat ng trabaho na ginagampanan nila, kasabay pa ng nagtataasang presyo ng bilihin. Let’s show how we value our teachers by compensating them properly. Nararapat lamang na bigyan natin ng tinig ang ating mga mahal na guro na ang kabayanihan at sakripisyo ang pundasyon ng sektor ng edukasyon,” sabi pa ni Revilla.
