
Ni NOEL ABUEL
Pararangalan sa Senado ang isang kilalang children right crusader dahil sa malaking tulong nito sa mga kabataan sa bansa gayundin sa mga kababaihang biktima ng pang-aabuso.
Sa inihaing Senate Resolution no. 174 ni Senador Manuel “Lito” Lapid, nais nitong parangalan si Dr. Bernadette J. Madrid, isang pediatrician at isa sa tumanggap ng 2022 Ramon Magsaysay awardees at nasa likod ng Child Protection Network Foundation Inc.
Nabatid na ang Iloilo-born pediatrician at children’s rights protection crusader ang nagtatag ng Child Protection Network Foundation Inc., isang national network ng child protection units mula sa civil society, academe, at ng gobyerno noong 2002.
Binubuo ito ng 123 WCPUs sa 61 probinsya at 10 syudad sa bansa kung saan nakapaggsilbi na ito sa 119,965 kabataan at 30,912 kababaihan at may miyembrong 237 doktor, 199 social workers, at 85 na miyembro ng Philippine National Police.
Sa nasabing resolusyon, tinukoy ni Lapid ang maraming kontribusyon ni Dr. Madrid at kinilala ang napakahalagang serbisyo para maiangat ang buhay ng mga kabataang Pinoy at ng buong bansa sa pamamagitan ng kanyang dedikasyon sa paglikha women-and child-protection units sa buong bansa.
“Ang mga adbokasiya ni Dr. Madrid ay hindi lamang karapat-dapat sa papuri, kundi ang mga ito rin ay karapat-dapat na tularan at ipagmalaki. Ang kanyang trabaho at mga proyekto sa usapin ng women and child’s rights ay dapat mabigyan ng kinakailangang suporta mula sa publiko at pribadong sektor upang matiyak na ang kanyang mga adbokasiya ay magpapatuloy nang matagal maski na pagkatapos niyang magretiro sa serbisyo,” paliwanag ni Lapid.
Si Dr. Madrid, na pinuno ng Philippine General Hospital Child Protection Unit (PGH-CPU), ay nagdisenyo ng programa at nakipag-ugnayan sa mga family courts, eskuwelahan, ospital, local government units, community organizations, at mga policymakers para maisulong ang proteksyon ng mga kabataan.
“Marapat lamang na kilalanin natin ang natamong tagumpay ni Dr. Madrid bilang pagsunod na rin sa sinasabi ng ating Saligang Batas na dapat pahalagahan at bigyang rekognisyon ang mga natatanging Pilipino sa kanilang mahalagang paglilingkod sa bayan at kapuri-puring kontribusyon sa bayan,” sabi pa ni Lapid.
Kinilala na rin si Dr. Madrid ng iba’t ibang institusyon sa ginawa nitong pangangalaga sa children’s rights and protection kabilang ang Outstanding Pediatrician for 2021 ng Philippine Pediatric Society, Most Influential Filipina in the World 2019 ng Filipina Women’s Network, Outstanding Service Award on Child Protective Services 2012 ng National Children’s Advocacy Center, Most Outstanding Philippine Doctor 2004 ng Philippine Junior Chamber of Commerce kasama ang Department of Health at ng World Health Organization.
