
Ni NOEL ABUEL
Umapela ang isang kongresista sa pamahalaan na agarang aksyunan ang mga iligal na operasyon ng pseudo-training centers para sa aesthetic at dermatological procedures maaaring maging seryosong banta sa kalusugan ng publiko .
Ayon kay Sta. Rosa City Lone District Rep. Dan S. Fernandez, chairman of the House Committee on Public Order and Safety, dapat na seryosohin ng gobyerno ang natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang operasyon at pagkakadakip sa suspek na si Wenie Garupa Argonza, 38-anyos, na umano’y operator ng Argonza Aesthetic and Dermo-Pigmentation Academy.
Ipinagharap na ng kasong paglabag sa Education Act of 1982 ang suspek dahil sa pag-o-operate ng eskuwelahan nang walang hawak na dokumento na magpapatunay na maaari itong magtayo ng eskuwelahan.
Sinabi pa ni Fernandez na ang illegal na operasyon ng nasabing eskuwelahan ay dapat na ikaalarma ng mga ahensya ng pamahalaan partikular ang nagre-regulate sa mga dermatological at aesthetic clinics and schools.
“The Professional Regulations Commission and the Department of Health should be made aware of this NBI discovery,” sabi ng mambabatas.
“What I found out from the NBI reports is quite shocking. How can a person without any professional license or background be allowed to teach and demand over P100,000 in fees to train students on medically-sensitive aesthetics and dermatological procedures?” tanong pa ni Fernandez.
Ipinahayag ng mambabatas na dapat ding bigyan-pansin ng mga medical groups ang operasyon ni Argonza, na itinuturo na may posibilidad na ang kanyang ñ pagsasanay ay maaaring tumawid sa mga pamamaraan na ang mga medikal na propesyonal lamang ang awtorisadong gumawa.
“Maraming dermatological methods ang halos katulad na rin ng medical procedures na dapat dalubhasang doktor lamang ang gumagawa. Dapat alamin kung pinasukan na rin ni Ms. Argonza ang ganitong operasyon,” ayon pa kay Fernandez.
Tinawag din ng kongresista ang atensyon ng mga medical community at iba pang licensed commercial aesthetic clinics na maging maingay sa pagkuha sa serbisyo ng mga tauhan o indibiduwal na nagsanay sa natuklasang pekeng derma clinics.
