
Ni NOEL ABUEL
Kumpiyansa ang isang kongresista na halos 40 porsiyentong pagtaas sa budget ng Department of Agriculture (DA) sa susunod na taon, kasabay ng patuloy na target na subsidiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga mahihirap sektor, ay tutulong sa pamamahala at pag-iwas sa epekto ng higher inflation rate.
Sinabi ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, senior vice chairperson ng House committee on appropriations, na malugod na tinanggap nito ang pagtataas ng DA sa budgetary allocation, at sinabing makakatulong ito sa pagpapatupad ng mga programang magtitiyak sa food security ng bansa.
“Kaya importante na tumaas ang budget ng DA. As we know, iyung inflation rate kasi weighted average iyan ng inflation rate ng ibat-ibang commodities. As we know, iyung commodity na mayroong pinakamalaking weight is of course food, one way to reduce food inflation rate is to ensure na mayroon tayong adequate supply,” sabi ni Quimbo sa Ugnayan sa Batasan Majority News Forum.
“So ibig sabihin, kailangan nating palawakin ang suplay ng agricultural crops natin. Nandiyan ang bigas, corn, of course nandiyan ang karne, ang fish at meat,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ng mambabatas na nasa tamang direksyon ang bansa sa pagkaloob ng mataas na budget ng DA.
“So tama naman po ang direksiyon ng ating gobyerno na bigyan ng sapat
na atensiyon at sapat na increased ang budget ng Department of Agriculture. Kapag dumadami kasi iyung suplay natin, ang ibig sabihin puwede nating mapababa ang presyo ng pagkain,” saad pa nito.
Ang DA at ang budget ng mga attached agencies nito para sa susunod na taon ay tumaas ng P46.5 bilyon o 39.62 porsyento mula sa P117.29 bilyon ngayong taon at P163.75 bilyon sa 2023.
Binigyan-diin din ni Quimbo ang kahalagahan ng patuloy na subsidyo ng DSWD upang matulungan ang mga mahihinang sektor na makaligtas sa epekto ng mas mataas na presyo ng pangunahing bilihin.
“Kaya importante ang DSWD assistance programs, we have to make sure na ang ating mga kababayan na nangangailangan, nandiyan ang sufficiently funded na ibat-ibang assistance programs. With or without the pandemic, dapat may assistance programs talaga,” ayon pa kay Quimbo.