
NI NERIO AGUAS
Sinuspende ng Professional Regulation Commission (PRC) ang patakaran nitong nakapaloob sa Memorandum Order No. 44 na nagtatakda sa mga professionals na may nakabinbing kasong administratibo at pinagbabawalang mag-renew ng kanilang PRC licenses.
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma na ang suspensyon ay awtomatikong magiging epektibo sa lalong madaling panahon.
Sa nilagdaang Resolution No. 1558, ni PRC acting chairman Jose Cueto Jr. at Commissioner Erwin Enad, tugon ito sa ‘utang-tagging,’ na inilabas ni ACT Teachers party list Rep. France Castro noong nakaraang linggo sa pagdinig ng Kongreso 2023 budget ng DOLE.
Sa ilalim ng nasabing polisiya, ang mga guro ay pinagbabawalan ng PRC na mag-renew ng kanilang lisensya kung may pagkakautang pa ang mga ito at hindi pa nababayaran.
Nagpahayag naman si Laguesma sa patakarang ‘utang tagging’ policy dahil nalalagay umano sa hindi nararapat na pasanin ng mga professionals na may nakabinbinbing administrative cases.
“How can they pay what they borrow if they can’t work because the PRC won’t renew their licenses,” sabi ng Labor chief.
Sinabi naman ni Cueto na habang ang “utang tagging” ay suspendido, ang PRC ay magsasagawa ng pag-aaral at konsultasyon sa iba’t ibang professional boards na naglalayong isulong ang kahusayan at pagiging patas sa mga proseso nito at mga pamamaraan sa pagdidisiplina.
Ayon naman kay Laguesma, natutuwa ito sa PRC sa agarang pagtugon sa nasabing usapin na malaking maitutulong hindi lamang sa mga guro kung hindi maging sa iba pang propesyunal.
Habang binibigyan-diin ang pagbabayad ng utang at displina ng mga propeskuyal ang pinakamahalagang alalahanin, nilinaw ng kalihim na ang gagawing pag-aaral sa polisiya at disciplinary procedures, dapat na isentro ng PRC ang regulatory function nito sa mga undesirable acts na nag-ugat sa gawain ng propesyunal.
Idinagdag pa ni Laguesma na sa bawat regulasyon, dapat ay pumasa sa pagsubok ng pagiging makatwiran at hindi dapat gamitin ang parusa dahil lamang sa socio-economic circumstances.