
Ni NOEL ABUEL
Umapela sa Department of Health (DoH) ang isang kongresista at ang pamahalaan na ikonsidera nang bigyan ng bakuna ang mga bata na 3-anyos hanggang 5-anyos.
Sinabi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Lorenz Defensor na panahon nang isailalim sa vaccination program ng pamahalaan laban sa coronavirus disease-19 (COVID-19) ang mga bata.
Sa Ugnayan sa Batasan Majority News Forum, binanggit din ni Defensor na bagama’t mas mababa ang COVID cases sa mga bata ay malaki naman ang posibilidad na mahawa ang mga ito sa virus lalo na ngayong na naglabas ng Executive Order no. 3 si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“And with Malacañang’s recent order to allow voluntary wearing of face masks in non-crowded outdoor areas, our children need more protection from COVID-19. And I believe that their inclusion in the government’s vaccination program will better protect them against the disease,” sabi ni Defensor.
Una nang inihain nito House Resolution No. 27 noong Agosto na hinihimok ang gobyerno at ang DOH na isama ang mga batang may edad na 3 hanggang 5 sa programa ng pagbabakuna sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga impeksyon sa COVID-19 araw-araw.
Noong panahong iyon, ang gobyerno ay nagtala ng mahigit 3,900 bagong kaso araw-araw ng COVID-19, na 13% na mas mataas kaysa sa nakaraang buwan.
“In 2022 alone, there are at least three new COVID-19 sub-variants in the country that are more transmissible than the earlier COVID-19 variants, namely Omicron, BA.5, BA 2.12.1 and BA.4,” ayon sa resolusyon.
Sinabi pa ni Defensor na noong Pebrero, sinimulan ng DOH ang kampanyang “Resbakuna Kids”, na nagpatupad ng pagbabakuna sa mga bata mula 5 hanggang 11 taong gulang, na inaprubahan ng Food and Drug Administration.
Ngunit inihayag nito na ang Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines ay nag-ulat na mahigit sa 1,300 kaso ng mga impeksyon sa COVID-19 sa mga batang 5 taong gulang pababa ang naitala noong Marso.
“According to the World Health Organization, children under the age of 5 have a higher risk of other diseases with clinical presentations that overlap with COVID-19, such as pneumonia and other viral upper respiratory tract infections, which may lead to misclassification,” aniya pa.
