E-Skuwela Hub itayo sa buong Pilipinas — Rep. Verzosa

Ni NOEL ABUEL

Inihain sa Kamara ang panukalang pagtatayo ng E-Skwela Hub sa bawat barangay o distrito sa buong Pilipinas.

Sa House Bill No. 4827 o E-Skwela Act na Inihain ni Tutok To Win party list Rep. Sam “SV” Verzosa, tutulungan ang mga mag-aaral na may limitado o walang access sa mga computer, printer at iba pang mga digital learning tools at equipment pati na rin ang internet.

“Noong pumutok ang pandemic, maraming estudyante ang nahirapang mag-aral dahil walang computer at internet connection. Kaya naisipan namin na magpatayo ng mahigit sampung E-Skwela Hub sa Maynila, Cagayan, Baguio, Camotes Islands sa Cebu kung saan maaaring pumunta dito sa ang mga estudyante upang makagamit ng computer at internet connection nang walang bayad,” paliwanag pa ni Verzosa.

Umaasa ang kongresista na madadagdagan at pagbubutihin ang mga learning hub na ito sa pamamagitan ng batas upang paliitin ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap na mag-aaral.

Ang E-Skwela Hub ay tinukoy bilang isang sentro ng pag-aaral na nagbibigay ng libreng paggamit ng mga kompyuter, internet access at kagamitan sa pag-imprenta, at iba pang materyal na pang-edukasyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa blended o online learning system.

“Importante na makatulong tayo sa pag-aaral ng kabataan dahil ang edukasyon ang mag-aahon sa mga pamilya mula sa kahirapan,” sabi ni Verzosa na nagtapos ng kursong Civil Engineering sa University of the Philippines-Diliman bilang scholar.

Partikular na mahalaga kay Verzosa, na kasalukuyang vice chair ng House Committee on Welfare of Children, ay ang accessibility ng edukasyon para sa mga mag-aaral lalo na ngayon kung saan ang online distant learning ay isang tunay na alternatibo sa tradisyonal na face-to-face na mga klase.

Nananawagan din ito sa pribado at pampublikong sektor na makiisa sa kanilang pagsisikap na isulong ang estado ng edukasyon at kapakanan ng mga mag-aaral.

Leave a comment