
NI NOEL ABUEL
Umaasa si House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera na pakikinggan ng Department of Health (DOH) ang hiling nito na muling magamit ang mga guaranteed letters ng mga mahihirap na pasyente para makapagpagamot sa mga pribadong ospital.
Ginawa ng kongresista ang panawagan sa kanyang intepelasyon sa 2023 budget ng DOH kung saan iginiit nito na malaking tulong sa mga mahihirap ang guaranteed letters para makakuha ng espesyalista sa kanilang mga karamdaman.
Matatandaan na noong panahon ni dating Health Secretary Francisco Duque III, base sa panawagan ni Herrera, naglabas ng memorandum order na nagpapahintulot sa mga indigent patients na magpakita ng guarantee letters sa mga pribadong ospital na mayroong memorandum of agreement (MOA) sa DOH at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang guarantee letter ay isang pagtiyak na pagbabayad ng DOH, DSWD at iba pang ahensya ng pamahalaan at maging ng Kongreso sa ngalan ng pasyente, para sa bahagi ng bayarin sa ospital.
Sinabi pa ni Herrera na ang administrative order ay hindi sapat kung kaya’t isinusulong nito ang isang batas na nag-institusyunal ang government medical assistance sa mga pribadong ospital.
Sa nasabing pagdinig, sinabi ni DOH Undersecretary Charade Mercado-Grande na iminumungkahi nito ang isang special provision sa 2023 national budget para kahit papaano ay mapagaan ang pasanin sa pagbuo ng MOA sa mga private hospitals.
“Certainly, I’m interested in that special provision because I’m also crafting a bill to institutionalize that para hindi na tayo isa-isang nagmo-MOA pa,” tugon ni Herrera.
Ikinalungkot ni Herrera at ng ibang mambabatas partikular ang nasa National Capital Region (NCR), na nahihirapang pumasok sa MOA sa pribadong ospital sa dahil sa naging karanasan ng mga ito sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
“Nagkakaproblema po kami rito sa NCR na mag-MOA with private hospitals kasi maraming utang ang PhilHealth. So, ayaw nila mag-MOA for fear na hindi sila mababayaran,” sabi ni Herrera.
Nauna nang sinabi ng kongresista na ang karanasan sa COVID-19 ay naging mas kailangan para sa gobyerno na palawigin ang medical assistance program upang mapabilang ang mga mahihirap na pasyente na ma-confine sa private hospitals na hindi nila sariling kagustuhan.
Giit ni Herrera, dapat na magkaroon ng matibay na ugnayan ang gobyerno at ng mga private hospitals upang matulungan hindi lang ang mahihirap kung hindi maging ang mga private hospitals na mabayaran ng takdang oras.
“The government must also pay on time dahil kawawa rin ang mga pribadong ospital. So, it has to be legislated,” sabi pa ni Herrera.