
NI NERIO AGUAS
Pinalawig ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang work from home scheme at nanawagan sa mga employers at mga manggagawa na magpatupad ng magkaparehas na telecommuting programs upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Sa inilabas na Department Order 237, na nilagdaan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma noong Setyembre 16, naglalaman ito ng binagong implementing rules and regulations ng telecommuting law, o ang Republic Act 11165.
Ang binagong panuntunan ay resulta ng mahigit sa dalawang buwang konsultasyon ng iba’t ibang sektor.
Pumasa rin aniya ito sa mahigpit na pagsusuri at naglagay rin ng mga inputs ang mga miyembro ng National Tripartite Industrial Peace Council, na isang consultative body at pinamumunuan ng kalihim ng DOLE at binubuo ng labor at employer representatives.
“These revised rules clarify and adequately address issues and concerns of the telecomuting sector,” sabi pa ni Laguesma.
Binigyan-diin ang boluntaryong katangian ng alternatibong work arrangement, apela ng kalihim sa mga employers at manggagawa na magkasamang magpatupad ng telecommuting programs na naaayon sa sa kusang-loob at mutual consent.
“This aims to sustain our efforts for economic recovery,” ayon pa kay Laguesma.
Nakasaad din bagong panuntunan na ang alituntunin at kondisyon sa telecommuting ay hindi dapat bumaba sa minimum labor standards, at hindi rin mabawasan o makapaminsala sa termino at kondisyon ng pagtatrabaho na nakapaloob sa anumang naaangkop na patakaran o kasanayan, individual contract, o collective bargaining agreement (CBA).
