
NI NOEL ABUEL
Kumpiyansa si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magiging matagumpay ang pagtungo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Estados Unidos para sa 77th United Nations (UN) General Assembly sa New York City.
Ayon kay Romualdez, na kasama ni Pangulong Marcos sa biyahe, naniniwala itong tulad ng naging biyahe ng Pangulo sa bansang Indonesia at Singapore, kung saan mahigit sa $14 bilyon na supply and investment pledges ang ipinangako ng mga Indonesian at Singaporean businessmen, ay ganito rin ang magiging resulta ng pagtungo sa US ng Pangulo.
“I expect the US visit to reap a lot of benefits for our country and the more than four million Filipinos and Filipino-Americans living or working in America,” sabi ni Romualdez.
Aniya, ang Estados Unidos ay mahalaga at malaking pagkakataon para makakuha ng investments para sa Pilipinas lalo na at ang US at Pilipinas ay major trading and economic cooperation partner and ally.
Isa rin ang US na pinakamalaking pinagmumulan ng remittances ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at Filipino-Americans.
“They contribute a significant part to the amount of foreign exchange our country and economy need each year, and especially this year when we are recovering from the crippling COVID-19 pandemic,” sabi ng House leader.
Base sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang remittances ng mga OFWs ay tumataas ng 2.3 porsiyento taun-taon para maabot ang $3.17 bilyon noong Hulyo mula sa $3.17 bilyon sa kahalintulad na buwan ng 2021.
Ang Estados Unidos din ang pinakamalaking pinanggagalingan ng cash remittances ng mga OFWs na sinusundan ng Singapore, at Saudi Arabia.
Ayon pa sa pagtataya ng BSP, ang remittances mula sa mga OFWs ay inaasahang tataas ng 4% ngayong taon.
Sinabi pa ng BSP na ang mga OFWs ay nakapagtala ng malaking record na cash remittances na umabot sa $31.4 bilyon noong nakaraang taon.
Sa nasabing halaga, 40.5 porsiyento o katumbas ng $12.7 bilyon, ay remittance mula sa US na sinusundan din ng Singapore, Saudi Arabia, Japan, United Kingdom, United Arab Emirates, Canada, Taiwan, Qatar, at South Korea.