
NI NERIO AGUAS
Sinisiguro ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nananatiling pangunahing prayoridad nito ang pagsugpo sa child labor.
Ito ang sinabi ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma na iprinisinta ng DOLE sa Kongreso ang kanilang mga prayoridad na proyekto at programa, at ang pagsugpo sa child labor ay kabilang sa mga prayoridad na programa ng kagawaran.
“Ang inyong lingkod ay humarap sa Kongreso upang ipresenta ang mga proyekto at programa ng Kagawaran na nais nating matutukan ng pansin at pondo ng administrasyon na ito. Ikinagagalak kong ibahagi na ang isyu ng pagsugpo sa child labor ay kabilang sa ating isinusulong na pangunahing programa,” pagbabahagi ng kalihim sa kanyang talumpati.
Ang mensahe ng kalihim ay binasa ni DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay sa ikatlong taong anibersaryo ng pagdiriwang sa pagkakatatag ng National Council Against Child Labor (NCACL) noong Setyembre 15 sa Maynila.
Pinangungunahan ng DOLE-Bureau of Workers with Special Concerns ang pagpapatupad ng Philippine Program Against Child Labor (PPACL), na naglalayong baguhin ang buhay ng mga batang-manggagawa, kanilang mga pamilya, at mga komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay proteksyon, pag-aalis, at muling pagbabalik sa mapagmalasakit na lipunan, at mga hakbang upang mabawasan ang kahirapan.
Ayon sa International Labour Organization, ang kahirapan ay nananatiling isang malakas na puwersa na nagtutulak sa mga bata para magtrabaho.
Sa parehong okasyon, binigyan din ng sertipiko ng pagkilala ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, non-government organization, civil society, at advocacy groups bilang mga miyembro ng NCACL at social partner.
Upang mapanatili ang mga natamo ng NCACL mula nang ito ay maitatag noong 2019, hiniling ni Laguesma sa lahat ng stakeholders ang patuloy na suporta upang mas mapabilis ang pagsasakatuparan ng isang Pilipinas na walang batang-manggagawa.
