
NI NERIO AGUAS
Ipinagmalaki ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na natapos na ang 1.83 kilometrong road rehabilitation project sa Nagtipunan, Quirino na inaasahang makakatulong at mapapakinabangan ng nasa 3,000 residente nito.
Sa ulat na tinanggap ni DPWH Manuel M. Bonoan mula kay DPWH Region 2 Director Loreta M. Malaluan, sinasabing ang pagsasaayos sa Junction Abbag-Nagtipunan-Nueva Vizcaya Road via Dupax ay naglalayong mapabuti at mapabilis ang biyahe ng mga motorista sa nasabing lugar.
Nabatid na ang P59.85 milyong road improvement project sa tatlong bahagi ng tertiary road na may habang 1.83 kilometro ay nilagyan ng asphalt overlay at paglalagay ng road safety markers, at pagtatayo ng retaining wall, at pagsesemento.
Ang proyekto ay inimplementa ng DPWH Quirino District Engineering Office (DEO), para maisaayos ang Junction Abbag-Nagtipunan-Nueva Vizcaya Road kung saan kasama rin ang paglalagay ng road drainage system.
“With this road improvement, motorists and residents can be assured of improved and more accessible route leading to the commercial hub of the town, therefore boosting economic activities in Quirino,” sabi ni Malaluan.
