
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan ang isang militanteng mambabatas sa administrasyong Marcos na pagkalooban ng P15,000 production subsidy ang mga magsasaka na tinamaan ng epekto ng Super Typhoon Karding at sumira sa mga pananim ng mga ito.
Ayon kay Assistant Minority Leader at Gabriela party list Rep. Arlene Brosas, tinatayang nasa 1.7 milyong ektarya ng pananim ang sinira ng bagyo sa Luzon base sa pagtataya ng Department of Agriculture (DA) kung saan 1.5 milyon ay taniman ng palay.
“Dapat hanapan ng pondo ang signipikanteng production subsidy sa ating mga magsasaka. Malaki ang nalugi sa kanila sa Rice Tariffication Law at mahal na presyo ng langis, at ngayon nama’y winasak ang kanilang pananim,” sabi ni Brosas.
Aniya, maaaring gamitin ng Pangulo ang contingent fund at bahagi ng unprogrammed fund para ipantulong sa mga rice farmers sa pamamagitan ng cash assistance.
“We will also push for the inclusion of the P15,000 production subsidy for 9.7 million farmers and fisherfolk in the proposed 2023 budget. Funding for this can be sought from obscure lump sum items such as the redundant LGU support funds, and NTF-ELCAC funds,” ayon pa sa kongresista.
Base aniya sa pinagsamang datos sa lahat ng rehiyon sa Luzon, ang nasirang pananim ng bagyong Karding ay umabot sa 1,469,037 ektarya para sa bigas at 281,322 ektarya sa mais.