
NI NOEL ABUEL
Nanindigan ang isang kongresista sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga post-harvest facility tulad ng pag-iimbak ng butil at mga buto upang masagip ang mga inaaning pananim bago pa tumama ang kalamidad.
Ito ang sinabi ni AGRI party list Rep. Wilbert T. Lee matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Karding kung saan maraming pananim ang nasira at nalubog ng baha.
“We must stop this vicious cycle where our farmers always register losses because of the lack of storage and other facilities to mitigate the effects of typhoons,” sabi ni Lee.
Aniya, kailangan na madagdagan ang pondo ng Department of Agriculture (DA) upang magamit sa pagdaragdag ng post-harvest facilities.
“Kaya’t kailangang madagdagan ang budget ng DA para sa post-harvest facilities para matugunan ang problemang ito,” sabi ng kongresista.
Nagbabala ang DA ngayong araw na mahigit sa kalahati ng nakatayo o nakatanim na palay at mais na pananim sa bansa ay naapektuhan ng bagyo.
“Based on the combined data of all regions in Luzon, the area of standing crops that may be affected by Karding totals to 1,469,037 hectares for rice and 281,322 hectares for corn,” sa inilabas na bulletin ng DA.
“The figures make up 75.83 percent of the national standing rice crops and 52.37 percent of the national standing corn crops,” dagdag nito.
Noong nakaraang linggo, kinuwestiyon ng mambabatas ang DA kung bakit patuloy na nagmumungkahi ng mababang badyet para sa post-harvest activities sa kabila ng paulit-ulit na problema ng mga magsasaka sa yugtong ito ng agriculture value chain.
Sa panahon ng debate sa plenaryo para sa badyet ng DA para sa 2023, natukoy na habang P59.96 bilyon ang iminungkahi para sa pre-harvest activities, P13 bilyon lamang ang inilaan para sa post-harvest facilities.
“Even if the budget for post-harvest activities is doubled, the strategic problem remains. This is not to say that production is not important. Napakahalaga po niyan dahil kung wala iyan, walang produktong papasok sa merkado. Kailangan talaga ng ating mga magsasaka at mangingisda ng tulong dahil patuloy na nagsisipagtaasan ang presyo ng equipment, fertilizer, at iba pang farm inputs,” paliwanag ni Lee.
