
Ni NOEL ABUEL
Binigyang pagkilala ng Senado ang limang tauhan ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nagbuwis ng buhay habang nagsasagawa ng rescue operations sa San Miguel, Bulacan habang nananalasa ang Super Typhoon “Karding”.
Sa inihaing Senate Resolution No. 235 ni Senador Manuel “Lito” Lapid, pinarangalan nito ang mga miyembro ng Bulacan PDRRMO na nasawi na sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurreccion, at Narciso Calayag Jr.
“Lubos ko pong ikinalulungkot ang pagpanaw ng ilan sa ating mga kawani na handang nagbuwis ng kanilang buhay sa pagnanais na makatulong at makapagligtas ng kanilang kapwa. Kulang po ang salita upang maipahayag ang aking kalungkutan sa sinapit ng ating mga kasama,” pahayag ni Lapid.
“Kaisa po ako sa pag-aalay ng panalangin para sa kanila at sa mga pamilyang kanilang naulila,” dagdag pa nito.
Nakasaad din sa resolusyon, kinilala ni Lapid ang katapangan, kagitingan, at humanitarian spirit at pagiging hindi makasarili ng mga nasawing mga rescue workers kung kaya’t dapat na bigyan ng pinakamataas na pagkilala dahil sa pag-alay sa sariling buhay sa ngayan ng tungkulin ng mga ito.
“Ang kanilang ipinamalas na kabayanihan ay sumasalamin sa kanilang pagmamahal sa bayan at pagmamahal sa kanilang mga kapwa tao, at ang kanilang marangal na pagpapakita ng kagitingan at katapangan ay nagsisilbing inspirasyon sa kanilang mga kasama hindi lamang sa larangan ng pagliligtas, kundi maging sa larangan ng paglilingkod sa bayan,” ayon pa kay Lapid.
“Ako rin po ay taos-pusong nagpapasalamat sa kanilang ipinamalas na kabayanihan at matapat na pagtupad sa kanilang tungkulin sa ngalan ng serbisyo publiko. The ultimate sacrifice of the five PDRRMC personnel in service of their people merit the admiration, respect and gratitude not only of the persons they have saved but of the entire country as well,” dagdag pa nito.
