
NI NERIO AGUAS
Iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na aabot sa P135 milyon ang naging danyos sa mga nasirang mga national roads, tulay, at flood-control structures dahil sa pananalasa ng Super Typhoon .
Sa pinakahuling datos na inilabas ng DPWH, ang danyos na tinamo ng mga kalsada ay nasa ₱34.71 milyon, ₱22.39 milyon naman sa nasirang mga tulay, at sa flood-control structures ay nasa ₱77.99 milyon.
Sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang tinamong pagkasira sa infrastructure ay nasa ₱19.6 milyon habang sa Region 2 ay nasa ₱9.11 milyon; Region 3 ay P91.38 milyon; Region 4-B ay ₱3 milyon; at Region 6 ay nasa ₱12 milyon.
Samantala, limang national road sections ang nananatili pa ring sarado dahil sa iba’t ibang dahilan.
Ito ay ang Kennon Road sa Benguet; Cabagan-Sta. Maria Overflow Bridge sa Isabela dahil sa pagbaha; Nueva Ecija-Aurora Road, Diteki River Detour Road dahil din sa pagbaha; Baliwag Candaba – Sta. Ana Road K0068+800 – K0069+150 Brgy. San Agustin, Candaba, Pampanga dahil din sa pagbaha at ang Hamtic-Bia-an-Egaña- Sibalom Road, Egaña Bridge K0094+603 – K0094+640 sa Brgy. Egaña -Buhang, Sibalom, Antique dahil naman sa nag-collapsed na steel bridge.
Habang tatlong national roads naman ang maaaring magamit subalit may konting sagabal sa mga motorista.
Ito ang Gapan Ft. Magsaysay Road, K0107+100, Brgy. Padolina, General Tinio na tanging light vehicles lamang ang makakadaan dahil sa bumagsak na electric post; Candaba-Sana Miguel Road sa Pampanga na tanging mga heavy vehicles ang makakadaan dahil sa pagbaha; at ang Angeles-Porac-Floridablanca Dinalupihan Road, K0089+051, Mancantian Bridge sa Pampanga na hindi rin madadaanan ng malilit na sasakyan dahil sa pagbaha.