
NI NOEL ABUEL
Namahagi ng tulong si Senador Win Gatchalian sa mga naapektuhan ng super typhoon Karding sa lalawigan ng Bulacan.
Nagbibigay ng tulong sa libu-libong pamilya na ang mga tahanan ay nalubog sa tubig baha o nasira ng nagdaang bagyo si Gathalian at nakiramay rin sa sinapit na kalamidad.
Binisita si Gatchalian ang munisipyo ng San Miguel, Bulacan at nagbigay ng mga sako ng bigas sa may isang libong apektadong pamilya.
Isinailalim sa state of calamity ang San Miguel sa bisa ng isang resolusyon mula sa Sangguniang Bayan ng San Miguel kasunod ng naging epekto ng baha sa agrikultura, kabuhayan, at imprastraktura.
Binisita rin ni Gatchalian ang mga labi ng limang rescuers na nasawi sa kanilang tungkulin at magbibigay ng tulong pinansyal sa kanilang mga naiwang pamilya.
Si Gatchalian ay co-sponsor ng isang resolusyon ng Senado na nagbibigay ng parangal sa kabayanihan ng limang miyembro ng Bulacan provincial disaster risk reduction and management office.
Iminungkahi rin nito ang isang batas na naglalayong gawin silang regular na empleyado ng mga local government units na kanilang pinaglilingkuran at bigyan ng naaangkop na mga benepisyo, mga pagsasanay, at kinakailangang mga kagamitan upang maisagawa ang kanilang mandato.
“Panahon na para gawing regular sa kanilang trabaho, bigyan ng tamang kagamitan, pagsasanay, at kagamitan ang ating mga rescue team sa lahat ng LGUs. Kilalanin natin ang kanilang magiging papel sa ating lipunan, lalong-lalo na sa mga panahong nararanasan natin ang hagupit ng kalamidad at sakuna,” sabi ni Gatchalian.
